Wednesday, August 22, 2012

SI UTOL ANG CHATMATE KO - Part 7

At talagang tuloy-tuloy lang si Zach sa pag walk out, pansin ang galit sa kanyang kilos.

Hinabol ko siya, “Hoy! Hindi mo lang ba hintayin iyong tao na mag-explain sa iyo kung bakit hindi siya nakasipot? Anong klaseng kaibigan ka?”

Huminto siya, humarap sa akin at tinitigan ang mukha ko. “Ok… kailangan kong mag-explain siya kung bakit dalawang beses na hindi niya ako sinipot at ikaw ang palaging nad’yan. Weird?” buminto siya sandal, ini-empahsize ang salitang “weird” sa mukha ko, pinalaki ang mga mata niya. “Baka may kasagutan ka. Ikaw ba ang chatmate ko? Sabihin mo lang para klaro… di ako magagalit. Sa lahat ng ayaw ko ay ang niloloko ako.”

Para akong nasuntok sa mukha sa narinig kong iyon, hindi makasagot sa sobrang kaba na parang natunugan na niya ang modus ko.

“O… hindi ka makasagot? Ikaw ang chatmate ko ano?”

“H-hindi ah!” sagot ko na lang. “B-bakit hindi mo siya bigyan ng chance at para naman masagot iyang mga katanungan sa malisyoso mong utak?” ang banat ko naman sa kanya.

Nag-isip siya. “OK… bigyan ko siya ng last chance. Bukas. Sabado, same venue, same time. Siguro naman ay nad’yan na siya. Kapag pumalpak pa siya at uli, ikaw ang sisipot, sorry… ayoko na. Sa sinabi ko, pinagbigyan ko lang naman ang kuya mo dahil siya itong pm nang pm sa akin… Ok ba? Well, kung siya nga iyon at hindi ikaw.” pananakot niya sabay talikod at diretso nang lumisan.

Natulala naman ako sa binitiwan niyang salita. “Nagduda talaga ang kumag!” sigaw ko. Syempre, natakot ako. Ayaw ko kasing mawala siya sa akin. Mahal ko na kasi ang mokong.

Sa sama ng loob ko, tinumbok ko na lang ang mesa namin sa loob ng restaurant bagamat sumagi din sa isip na sana ay tawagin niya ako, pasakayin sa kanyang motor at ihatid pauwi.

Ngunit hindi niya ginawa iyon.

Sa gabing iyon, umuwi akong luhaan at nanggagalaiti sa galit kay Kuya Erwin.

Alas onse na ng gabi noong dumating ng bahay si Kuya Erwin. Kumatok agad ito sa kwarto ko. “Tol… sensya na hindi ako nakarating. Birthday pala ng mama ni Lani at hindi ako pinauwi agad…” paliwanag ni kuya.

Pinagdabugan ko naman siya. “Anong paki ko sa birthday ng mama niya! Buti pa sila pinaunlakan mo samantalang ako… ipinahiya mo!” sabay tumbok sa kama, ibinagsak ang katawan at tinakpan ng kumot ang mukha.

Sumunod siyang pumasok sa kwarto ko. “Promise tol... sa sunod nating eyeball sa chatmate mo, nandoon na talaga---”

“Bukas daw uli!” ang pabulyaw na pagputol sa sagot niya.

“Bukas? A, e…” Nag-iisip siya ngunit bigla ring dugtong ng “O, e… di sige, bukas na kung bukas.”

Syempre nabuhayan na naman ang loob ko. Ngunit hindi ako nagpahalata. “Tapos niyan… sisingit na naman ang kontrabidang Lani na iyan!” sagot ko.

Hindi na Tol… promise. Sa chatmate mo na ako magpapakita. Basta... kapag na-inlove sa akin iyon, hindi ko na kasalanan ha?” ang may halong pagbibiro niya.

“Hmmpttt! Kahit ma-in love pa sa iyo iyon, alam kong hindi mo siya magugustuhan.” Bulong ko sa sarili. “Basta bukas..” ang sabi ko na lang.

At tinupad naman niya ang kanyang pangako. Sa pagkakataong iyon, wala nang Lani na nanggulo pa sa lakad namin.

Alas 5:30 ng hapon at nandoon na kaming pareho ni Kuya sa restaurant na nasabi. Dahil sa sobrang kaba ko, nag-order ako ng beer habang hinintay ang pagdating ni Zach. Delikado kasi ang kalagayan ko. Para akong na-hostage ng kilabot na kidnapper habang parating ang militar na siyang tutugis dito. Either papatayin ako ng kidnapper o gawin akong panagga sa mga bala. Imagine, sa unang pagkakataon ng buhay ko, mabubuking na ang pinakatago-tagong lihim ko dahil kay Zach na noon ko lang din na-realize na sa lalaki pala ako mai-inlove. Ewan, para akong may typhoid fever, di malaman kung mabubuang o mamamatay.

In fairness, noong pinagmasdan ko si Kuya, ang ganda ng porma niya. Halatang pinaghandaan talaga ang okasyon na iyon. Suot niya ay ang bago at mamahaling t-shirt na kulay blue na may tatlong stripes na yellow sa balikat, ang pantalon ay maong na faded at may butas-butas sa tuhod, naka-gell ang buhok, mabango. Noon ko palang nakitang isinuot niya ang t-shirt at pantalon na iyon. Sa tingin ko, binili talaga niya ang mga iyon para lang sa makasaysayang eyeball na magaganap ano mang oras sa lugar na iyon. Hayup sa porma! Daig pa ang isang artista! Hay naku… Kung hindi ko lang siya kuya siguradong na-in love na rin ako dito.

Ramdam ko, excited si Kuya, hindi lang ipinahalata iyon sa akin. Naamoy ko iyon dahil sa tahimik siya at nag-iinum lang. Kuya ko ata siya, alam ko kapag may milagro itong ginagawa, kung masaya siya, kung malungkot, kung tensiyonadao, kung may itinatagong kabulastugan.

Alam kong napupulsuhan din niya ang nararamdaman ko sa tagpong iyon. Iyon nga lang; ang buong akala niya, mamatay-matay ako sa excitement na makita siya ng ka-chatmate ko at kung ano ang magiging kahinatnan sa pagpapanggap niyang siya nga ang tunay na ka-chatmate. Ang hindi lang niya alam ay na mas malalim pa ang naramdaman ko – natatakot ako sa nakaambang mangyayaring bukingan sa tunay kong pagkatao, na noon lang din niya malalaman sa tanang buhay niya.

“Dyos ko po! Tulugnan po ninyo ako! Tanggapin ko po ang ano mang parusang ibigay ninyo, huwag lang ang pag-iinarte ni Kuya kapag nalaman niyang dalaga pala ang kanyang kapatid at hindi binata!” Ang sigaw-sigaw ng isip ko. At lahat na rin ng pangalan ng mga santo ay nabanggit ko na sa aking mga dasal na sana ay hindi tataas ang cholesterol at blood sugar ni Kuya kapag nalaman niya ang lahat, at na pareho ko pala silang dalawa ng ka-chatmate ko na niloloko ko. Awwwtttts!!! To the highest level talaga ang kaba ko! Grabe!

Hay naku, ang pag-ibig nga naman. Gagawin ang lahat, susuungin ang lahat ng hirap, katarantaduhan, kabulastugan, pagsisinungaling, pagbabakasakali, walang pakialam sa magiging kahinatnan nito mairaos lang ang kalandian...

So, inum, inum, at inum pa. Pareho kami ni Kuya, tila sa pag-iinum ibinuhos namin ang magkaibang excitement na naramdaman. Pakiramdaman sa kilos ng bawat isa, ngunit walang imikan.

Maya-maya, heto na. Ang posisyon kasi ng lamesa namin ay paharap sa entrance mismo ng resto at magkatabi kami ni Kuya. Sinadya kong tumabi kay Kuya upang kapag dumating na si Zach, makita ko kaagad siya.

Heto na. Umentra na ang leading man ng buhay ko at akmang papasok na sa entrance ng restaurant.

“O my God, heto na siya! Heto na sya!!!!!! Arrgggggghhh!” sigaw ng utak kong talipandas, hindi ipinahalata kay Kuya na nakita ko na si Zach. Siyempre, hindi naman ako pwedeng tumayo na lang at salubungin siya ng yakap at halik. Pakiramdam ko kasi ay nawalan na ako ng ulirat at parang umikot ang buong paligid sa sobrang magkahalong excitement, kaba, at takot. Para akong mapapraning! Kaso, hindi ko rin lubos maintindihan ang naramdaman. Kasi nga naman, ang alam ko, ang gusto niya ay si kuya. Tapos, heto namang si kuya, babae ang gusto. Ewan hindi ko talaga maintindihan. Kaka-sad, di ba? Pero kahit papaano, may saya din akong naramdaman na sa wakas ma-prove ko na kay Zach na hindi ako ang ka-chatmate niya taliwas sa kanyang hinala. At dahil ditto, hindi na siya lalayo pa sa akin.

“Waaahhh! Grabeh!” sigaw ng utak ko. Lalo yata siyang gumuapo sa pagkakataong iyon. Para bang gaya ni kuya ay pinaghandaan din niya ang makasaysayang eyeball na iyon. Naka-body-fit na puting t-shirt, sinadyang ang dulo nito sa harapan ay ipinaloob sa ilalim ng itim at stonewashed straight cut na jeans, inilantad ang buckle ng belt niya at ang umbok ng kanyang harapan. Hayup din sa porma! Pamatay sa kaseksihan! “Arrgggghhhh!” Sa isip ko lang. Umandar na naman ang aking insecurity. Bagay na bagay kasi sila ni kuya at para akong naa-out-of place!

Kunyari ay wala pa rin akong nakita. At bagamat mistulang puputok na sa matinding pagkakabog ang aking dibdib, kalmante pa rin ako, demure-looking baga at inum lang nang inum.

Nilingon ko si Kuya na panay pa rin ang inum, hindi alintana na palapit na nang palapit ang nakatakdang pag-krus ng kanilang mga landas. Bagamat nagkita na sina Zach at kuya noong una naming “date” ni Zach, hindi na niya ito natandaan pa dahil wala naman kasi siyang interes dito; o di kaya ay sadyang hindi lang niya napansin si Zach sa gitna ng maraming tao dahil ang nakatatak sa isip niya ay isang magandang babae ang darating.

At hindi ko rin pinansin si Zach. Hindi na kasi nakayanan ng powers kong harapin siya dahil nanlalambot na ang pakiramdam ko, iniisip na maaring iyon na ang huling sandali na masilayan ko ang naggagwapuhang mga nilalang na si kuya ko at si Zach dahil sa papatayin na ako ni kuya sa bukingan na magaganap sa tagpong iyon.

At wala pang isang minuto heto na. Huminto sa harap namin si Zach! Syempre, dahil hindi alam ni Kuya na iyon na pala ang ka-chatmate niya, inosenteng patuloy pa rin itong umiinon, ang mga mata ay nagmamasid sa mga taong papasok pa lang, sinasala ng kanyang mga mata ang isang babaeng maganda at mestisa. Ako naman, kahit mistulang puputok na ang dibdib sa sobrang kaba, ay kunyari nakatingin sa malayo, ibayong pagkokontrol sa sarili ang ginawa.

“Kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog-kabog” iyan ang naririnig kong tinig sa aking dibdib at malakas siya ha. Pakiramdam ko ay gusto ko na talagang magback out at kung maaari lamang ay ibalik ang oras sa puntong hindi pa kami nakarating sa restobar na iyon.

Nasa ganoong posisyon si kuya sa paglalagok ng beer, ang bote ay nakaungot pa sa kanyang bibig, noong iniabot ni Zach ang kanyang kanang kamay sa kanya upang makipag handshake, “You are Enzo, right? I’m your chatmate, Zach!” Ang pagpakilala ni Zach.

Kitang-kita ko ang paglaki ng mga mata ni kuya sa gulat noong makitang lalaki ang nakikipagkamay sa kanya. “Gwarkk!!” nabilaukan bigla si kuya, ang beer na nasa lamamunan na ay lumabas lahat at sumambulat ito sa mesa, pati na sa kamay ni Zach...

Agad-agad inilatag ni kuya ang beer na hinawakan at humablot ng tissue, pinahid ang bibig niya habang si Zach naman ay dali-dali ding binaltak ang kamay upang matanggal ang isinukang beer ni Kuya na dumikit dito at pagkatapos ay humugot siya ng tissue na nakapatong sa mesa at nakipahid na rin.

Syempre, nagulat din si Zach, ngunit talagang cool na cool pa rin ang dating.

Habang pahid-pahid ni kuya ang bibig niya, nilingon naman niya ako, palihim na tinapakan ng sobrang pagkalakas-lakas ang aking kaliwang paang katabi lang ng kanyang kanang paa at idiniin-diin pa ito. “Arekoppppoooooooo!” ang nasambit ko sa pagkabigla ngunit pinigilan ko itong hindi mahalata ni Zach. Nagkataon pa namang sandal lang ang suot ko sa paa samantalang si kuya ay nakasapatos. Kaya masakit talaga siya.

Nilingon ko si Kuya at sumalubong sa mga mata ko ang nagbabaga at nanggagalaiting titig niya.

Alam ko ang ibig ipahiwatig ng titig na iyon. Katakot-takot na sermon ang naghintay sa akin at baka sa kauna-unahang pagkakataon ay matikman ko na ang dila-lang-ang-walang-latay na pambubugbog ng isang kuya sa kanyang kapatid. At ang mas masaklap pa doon ay baka isumbong niya ako kay papa at mama na niloko ko na nga siya, nadiskubre pa niyang nagdadalaga na pala ang bunsong kapatid niya! “Diyos ko po! Di ko yata kaya!” sigaw ng utak ko.

Alam ko din naman na kasalanan ko ang lahat e. Pero ano ba ang magagawa ng isang busilak na pusong natuto nang magmahal? Di ba mga ateng? First time ko kayang ma inlove. Kaya hayun, hindi ako makatingin ng diretso sa kanyang nagliliyab na mga mata at sa pagkataranta, ang ginawa ko na lang ay ang humugot na rin ng tissue at pinupunas-punasan ang mesang nabasa ng beer na lumabas galing sa kanyang sikmura, nagkunyaring hindi ko napansin ang nakakapaso niyang pandidilat, kagat-kagat ko ang sariling labi sa magkahalong matinding hiya at panginginig sa sa takot. Para akong isang asong talunan na ang buntot ay itinago sa ilalim ng bayag at nagyuyukyok sa isang sulok.

At siguro, dahil sa wala nang choice si Kuya, pinansin na rin niya si Zach at binitiwan ang isang ngiting napilitan sabay sabing, “A… oo. Ako nga si E-enzo! Enzo nga ang name ko. Upo ka, Zachie, este, Zach!” turo niya sa bakanting upuan sa harap ng inuupuan namin.

Nangiti naman si Zach at umupo.

Tahimik kaming tatlo habang hindi ko na rin malaman pa ang gagawin ko, nakiramdam sa sunod na maaaring mangyari, patuloy pa rin sa pagpupunas sa mesa kahit tuyong-tuyo na ito at ang buong laman ng tissue box ay nauubos na sa kakahugot ko at kakapunas sa natuyo nang mesa.

Tahimik pa rin at ang mga kamay ni kuya ay iginuri-guri sa mesa na tila wala sa sarili, ang mga mata ay di makatingin-tingin kay Zach na nakaupo sa harapan lang namin, di rin makapagsalita, di makapagsimula ng kwento, di ko alam kung nininerbyos ba o nagpupuyos sa galit sa akin.

Samantala, si Zach naman ay bakat sa mukha ang matinding excitement sa pagkakita ng personal kay Kuya, ang ngiti na binitiwan ay nakakabaliw at kung makatitig sa mukha ni kuya ay halos lalamunin na niya ito ng buo.

“I met your brother, Enzo two times na…” Wika ni Zach kay Kuya habang itinuro ako, at maaaring paraan din niya upang mabasag ang katahimikan.

“E… e…” sagot ni Kuya, hindi makabuo ng salita at mistulang namumutla. “A… ok.”

“Makulit nga talaga no?” ang mabilis na tugon ni Zach, sabay bitiw ng isang pigil na tawa.

“Amffffffffff!!!!” sigaw naman ng isip ko. “Ako pa ang pinagtripan!” nanggagalaiti na nga si kuya sa akin, at heto, ako pa ang pinagtripan ng honghang?” sigaw ko sa sarili. Nahihiyang nilingon ko si kuya at noong mapansin niya ang paglingon ko sa kanya, pinadyakan niya muli ang aking paa sabay irap sa akin. “Arrggggggghhhhhhhh!!!!” sigaw g utak ko sa sakit ngunit hindi ko ipinahalata ang pagngiwi ng bibig ko.

Pakiramdam ko, pulang pula nga ang mukha ko sa pagpuna sa akin ni Zach, umuusok naman ang tenga at ilong ko sa sakit na para akong nakalunok ng isang garapong siling labuyo.

Binitiwan uli ni Kuya ang pilit na ngiti kay Zach, nakikinita kong sumisigaw din ang utak niya ng, “Mamaya hindi na makulit yan dahil papatayin ko na yan sa bugbog!”

Tahimik uli.

“A… waiter! Menu please!” Sigaw ni Zach noong mapansing puro beer ang inorder namin.

Lumapit ang waiter at iniisa-isang bigyan kami ng menu.

Ramdam kong parang gustong sabihin ni Kuya na treat namin iyon ngunit tila naubusan na rin siya ng lakas upang magsalita.

Nakahawak na kaming tatlo sa menu at namimili. Nilingon ko uli si kuya kung may napili na ba ngunit kahit ang mga mata niya ay nakatutuk sa menu mistulang lumilipad naman ang isip.

“What’s yours Enzo? I want this, this, and a regular rice…” sabi ni Zach tukoy sa menu, hindi man lang ako tinanong.

Ngunit imbes na sagutin ang tanong ni Zach, inilatag uli ni Kuya ang menu sa mesa. “Excuse me…” sabay tayo at tumbok sa CR na nagmamadali.

Natulala ako sa biglang pagwalk-out ni Kuya. Malakas kasi ang kutob ko na alibi lang ang pagpunta noon sa CR. Kung hindi walkout iyon, gusto niya akong sumunod at sigurado, bubugbugin ako noon sa loob ng CR. Kaya hindi ako sumunod. Pero syempre, kinakabahan ako na baka ibubuking na ni Kuya ang lahat.

Kaya nanatili akong nakaupo sa pwesto ko, sa harap ni Zach.

At heto na. Syempre, ano pa ba ang gagawin ni Zach sa sitwasyong nakaupo kami parehong magkaharap? Syempre, titingnan niya ang mala-anghel kong mukha.

At ano ba ang dapat kong gagawin sa eksenang nasa harap ang pinakamimithing pinakawafung lalaki sa balat ng internet, at kaharap ko pa? Syempre, maglupasay ang utak ko at sisigaw ng, “EEEEEEEEEEEEEE!” Ang cute cute niya! Ang cute cute niya! Pwede mo na akong kunin Lord! Wag lang muna now!”

Ngunit syempre, hindi ako nagpahalata huh! Kunyari, pinupunasan ko pa rin ang mesa at kahit na nanginginig ang buong kalamnan ko, pinilit ko pa ring gawing maayos ang pagpunas ng mesa habang pasikretong pinagmasdan ko siya.

“O my God! U mey Gadddddddd! Pinagmasdan niya ako! Pinagmasdan niya ang walang kamuwang-muwang kung mukha! Arrgggghhhh!” Sigaw uli ng utak ko noong mapansing tinitigan niya ako. Ah grabe. Pakiramdam ko ay isa akong ice na inilatag sa ilalim tanghaling araw. Nalulusaw ako mga pare, este, mga mare pala.

Doon ko na-realize na kaya pala may dalang pamaypay na abaniko ang mga dalagang ninuno natin noong unang panahon sa kadahilanang ito pala ang panangga nila sa mga nakakalusaw na titig ng mga wafung binatang ninuno din natin! Grabeh pala ang kuryenteng dulot ng titig ng super crush! Para kang matatae, maiihi, magkumbulsyon. Parang may intensity 25 na lindol sa loob ng iyong dibdib!

“Where’s your other kuya?” tanong niya.

“Abababa Eninglis ako!” sigaw ng utak ko. Pero syempre, natameme ako ng sandali. Kambal pala ang kuya kong pakilala sa kanya. “Ha?” sagot ko, hindi ipinahalatang ganoon ako ka focus sa kanya. Atsaka ang boses ko, astig siya ha.

“Iyong kambal niya.. Iyong sabi mong rapist?” pagfollw up niya.

“Nasa bahay e! Bakit, gusto mo siyang makilala?” ang mataray kong sagot.

“Ah… Ok. Pero bakit ka nagagalit?” ang sagot niya, marahil ay napansin ang boses ko. Hindi ko kasi mapigilan ang hindi kabahan sa inasta ni kuya at sa hindi pa niya pagbalik.

“Hind ako galit no! Kung galit ako ay sana kinagat na kita!”

Bigla namang napahalakhak si Zach. “Ano ka aso? Arf! Arf! Arf!” ang pang-iinis niya sa akin.

Ngunit hindi ko na npansin ang pang-aasar na iyon. Kinakabahan na kasi ako sa hindi pa pagbalik ni kuya.

“E... may boyfriend na ba ang kuya mo?”

Muntik naman akong malaglag noong marinig ang tanong niyang iyon at mistulang nasapak ang ulo ko. “Arrgggggghhhh!” ang sigaw ko sa sarili. Syempre, lalong tumindi ang kalampag ng aking dibdib. Kapag nalaman kasi ng Kuya ko na ang tingin sa kanya ni Zach ay bakla, baka hindi lang ako ang papatayin niya kungdi pati na rin ang sarili niya! “Diyos ko pong mahabagin! Hindi ko kaya ito. Kapag nagkataon, headline kami kinabukasan sa tabloid na Tiktik o Abante: ‘magkapatid na bakla, patay dahil sa isang lalaki!’ Paano kaya ito tatanggapin ng mga magulang ko? Sigurado gagawin nila ang lahat upang mabuhay kami at kapag nabuhay na, papatayin uli. Huwaaaaa!”

“Waaaaahhh! Hindi bakla si Kuya ko!” sigaw kong pagdepensa kay kuya.

Napangiti siya. “Syempre naman, itatago niya iyan sa iyo” ang tugon niya na ang mukha ay mistulang hindi siniseryoso ang sinasabi ko. Tiningnan niya ang kanyang relo pagparamdam na matagal si Kuyang bumalik. “Mag CR muna ako.” Ang sabi niya.

Nataranta naman ako sa narinig. Syempre, ayaw kong magkita sila doon baka kapag nagkataon, magkabistuhan na dahil siguradong ibubuking ni Kuya ang lahat.

Akmang tatayo na sana si Zach noong hinarang ko siya. “A-ako na muna ang mag CR, naiihi na talaga ako. Antay ka muna dito, baka ihahatid na ang order at walang tao sa table natin...” ang pag-aalibi ko.

Noong makarating na ako ng CR, tyempo namang walang tao at nag-isa lang si Kuya. At tama nga ang hinala ko; hinihintay niya ako. At noong makita ako, isang napakalakas na batok ang pinakawalan niya kaagad, ”Tado ka! Inilalagay mo ako sa kahihiyan! Tangina, bakla ka pala?!” Ang pigil na bulyaw ni Kuya. At hinablot pa ang buhok ko. “Shiiiit! Wala naman sana akong paki kung bakla ka, eh. Ang problema sa iyo, idinamay mo pa ako, tarantado ka! Lahat ginawa ko, pati pagtanggal sa bigote ko para lang pala sa isang lalaki? Ha?!!!” ang pigil na pagsisigaw ni kuya.

At syempre, inamin ko ang lahat ng kasalanan. Ano pa ba ang magagawa ng byuti ko. “Kuya... please naman. Sorry po. Mahal ko po kasi ang taong iyon eh. Kuya sorry na po...”

“Mahal mo ang taong iyon? Tangina!” Sabay sapak na naman sa ulo ko. “Magmahal ka tapos ako ang gagawin mong proxy! Ano ang gusto mong mangyari ngayon? Makikipaghalikan ako sa kanya, ganoon? Ah, hindi. Hindi pwede yan. Dapat nating sabihin sa kanya ang totoo! At ngayon na!” sabay talikod at lalabas na sana ng CR.

Sa naramdamang pagpursige ni Kuya na ilantad ang lahat kay Zach, ang nasagot ko sa kanya ay, “Sige kuya! Sabihin mo sa kanya at tatalon ako dito sa dagat! At papatayin ka ni papa kapag nalamang pinabayaan mo ako!” Ewan kung bakit ko rin nasabi iyon, e ang totoo, hindi ako marunong lumangoy at napakalalim pa ng tubig gawa ng high tide sa oras na iyon.

Ngunit dumeretso pa rin si Kuya. Hindi na ako pinakinggan. Kaya ang ginawa ko ay dali-daling lumabas sa kabilang pintuan ng CR na deretso sa open terrace ng reataurant paharap sa dagat. At noong nandoon na ako, walang lingon-lingong umakyat sa barandilya.

Narinig ko pang nagsigawan ang ibang mga tao sa restaurant, “Ayyyy! Tatalon ang mama! Tatalon ang mama!”

Ngunit itinuloy ko pa rin ang pagtalon. At ang sunod na naalala ko ay ang pagkarinig sa isang malakas na “Splashhhhhhhhhhh!” sabay bulusok ko sa ilalim ng tubig.

(Itutuloy)





No comments:

Post a Comment