Wednesday, August 22, 2012

SI UTOL ANG CHATMATE KO - Part 17

Halos pumutok ang aking dibdib sa sobrang lakas ng pagkabog nito sa pagkarinig ko sa sinabi ni Ormhell. Para akong himatayin, hindi maipaliwanag ang matinding nadaramang saloobin. Galit ba, o selos?

Hindi ko na magawang sumagot pa kay Ormhell. Ang ginawa ko ay nagmadaling tinumbok ang elevator.

“Sir… samahan ko na kayo?” Tanong ni Ormhell”

“Ako na lang! Doon pa rin ba sa dati?” ang sagot kong matigas ang boses, halatang galit.

“Opo.” sagot din ni Ormhel. Hindi na siya sumunod pa.

Habang umaandar ang elevator papuntang fourth floor, hindi ako magkamayaw sa kung ano ang gagawin. Ibayong pagkabalisa, kaba, panginginig ng kalamnan, isiniksik sa isip na sana ay mali ang aking mga hinala.

Noong marating ko ang mismong palapag, halos hindi ko na alam ang sunod ko pang gagawin. Ang pumasok sa isip ay ang dumeretso sa mismong penthouse at noong marating ang pintuan, walang pasabing binuksan ko ito.

At laking gulat ko sa nasaksihan. Si kuya at si Zach ay parehong nakaupo sa gilid ng kama, parehong walang damit pang-itaas. Si Zach ay yumayakap kay kuya, hinahalikan ang bibig na parang sarap na sarap sa kanyang ginagawa samantalang si kuya ay nagpaubaya lang, nanatiling nakaupo na parang isang tuod na hindi kumukilos bagamat nakapikit ang kanyang mga mata at hinayaan lang na gawin ni Zach ang lahat ng gusto nito.

Pakiramdam ko ay sinaksak ng maraming beses ang aking puso sa nasaksihan. At ang naisigaw ko na lang ay, “Arrrgggggggghhhhhh! Mga taksil! Mga taksil kayo!!!!!! Niloko ninyo akoooooooooo!!!!!

At dali-dali akong tumalikod at nag-iiyak na nagtatakbo pabalik sa pintuan ng elevator.

Sumunod pala sa akin si kuya at dahil sarado pa ang elevator, naabutan niya ako doon at hinatak ang braso ko pabalik sa penthouse. Habang hatak-hatak niya ako, hindi naman siya magkamayaw sa panunuyo. “Tol… magpliwang ako, ok? Makinig ka sa sasabihin ko, pleassseeeee.”

“Ano pa ba ang ipapaliwanag mo kuya?!!!!! Kitang kita ng dalawa kong mata na naghahalikan kayo!!! May dapat pa bang ipaliwanag d’yan?!” bulyaw ko habang nag-iiyak pa rin.

“Kaya nga makinig ka tol… may sasabihin ako sa iyo eh.”

“Ayoko! Ayoko! Niloko ninyo ako! Niloko ninyo akoooooo!!!” sabay palag ko sa kanyang pagkahawak at takbo sa may barandilya ng rooftop at inakyat ko ang pinakatuktuk nito. At noong makaakyat na ako, tumayo akong nakaharap kay kuya sabay pananakot sa kanya ng, “Huwag kang lumapit sa akin! Tatalon ako dito kapag lumapit ka pa!!!”

Ewan, matakutin naman ako sa matataas na lugar ngunit dahil sa matinding galit ko sa kanila at pagkaawa na rin sa sarili, sumiksik sa utak na walang nagmamahal sa akin, nawala ang lahat ng takot ko at pakiwari ko ay gusto ko nang mamatay sa mga sandaling iyon. Nagwawala talaga ako at nagsisigaw.

Kitang-kita ko sa mga mata ni kuya ang matinding takot at pagkataranta sa ginawa ko. Hindi siya magkamayas sa kung ano ang gagawin. Lalapit sa akin, aatras… “Tol... bumaba ka d’yan tol. Huwag mong gawin ang tumalon d’yan tol! Tolllllll! Please tolllllllll!” sigaw niya.

“Ayoko na sa iyo! Ayoko nang makita pa ang pagmumukha mo!!!!” sigaw ko rin sa kanya. “Umalis ka! Umalis ka kung ayaw mong tumalon ako! Alis naaaaaaaaaaaaaaaaaaaa!!!” sigaw ko uli.

“O-ok. Ok tol... aalis ako. Aalis ako… Please bumaba ka na, bumaba ka na please...” ang taranta pa rin niyang pakiusap.

“Alis naaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaa!!!!!!!!” bulyaw ko uli.

At wala nang nagawa pa si kuya kundi ang magmadaling tumalikod na parang isang asong itinago ang buntot sa ilalim ng kanyang tiyan habang pumasok ito sa penthouse.

Maya-maya lang, nakita kong lumabas na si kuya galing sa loob ng penthouse, nakadamit pang-itaas na at nagtatakbong lumisan, dala-dala ang kanyang knapsack. Lumingon uli siya sa akin sabay, “Tol... bumaba ka na d’yan pleasssssseeeeeee! Aalis na ako!”

“Alissssssssssssssssssssssssssssssssss! Layaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaaasssssssss!!!!!” bulyaw ko uli, ang mga mata ay nanggagalaiti.

Si Zach naman ang lumapit sa akin. At kabaligtaran sa naging reaksyon ni kuya, mahinahon niya akong tinitigan, ramdam ko sa kanyang mga mata ang pang-unawa. Iniabot niya ang kanyang kamay sa akin. “Halika, baba ka na, mag-usap tayo.” Sambit niya na kalmanteng-kalmante pa rin ang dating na tila isa akong batang paslit na normal lang na nakaupo sa isang sulok ng bahay at niyayang mamasyal. Parang kalkuladong-kalkulado niya ang aking gagawin na isang tawag lang niya sa akin ay susunod kaagad ako.

Mistula namang nahimasmasan ako sa ipinakita niyang pagka-confident sa sarili at pagka-kalmante sa kabila ng sitwasyong seryosong posibleng tatalon ako sa building at ikakamatay ko.

At ang sunod na natandaan ko ay ang pagbaba ko sa barandilya at naupo sa isang upuan sa gilid lang ng rooftop, nag-iiyak pa rin.

Tumabi na rin siya sa akin sa pag-upo. Niyakap niya ako at hinagod-hagod ng kanyang mga labi ang aking leeg.

Ngunit sariwa pa rin sa aking isip ang nasaksihan ko sa kanila. Itinulak ko siya. Nalaglag siya sa semento at tiningnan ako, ang mga labi ay mistulang bibigay sa tawa, ipinahiwatig na nakatatawa ang kanyang porma sa pagkalaglag niya sa semento.

Ngunit hindi pa rin ako bumigay, nakasimangot pa rin. Tinabihan niya ako muli at niykap-yakap. “Sorry na… Hindi ko kasalanan ang lahat. Ikaw naman talaga ang mahal ko e.”

Na bigla kong tinugon ng isang bulyawa, “Ako ang mahal mo pero si kuya ang kasama mo dito? Ganoon ba iyon?”

“Wala akong magawa. Kuya mo ang pumupunta-punta sa akin dito. At ayaw ko namang sabihin sa iyo ito dahil baka mag-away pa kayo e. Sorry na. Hindi na mangyayari iyon. Hindi na rin siguro pupunta dito ang kuya mo.”

Sa pagkarinig, napatingin akong bigla sa kanya. “Si kuya kamo ang nagpupumilit na pumunta sa iyo dito?” ang pagklaro ko sa kanyang sinabi. Ikinagulat ko kasi ito. Hindi ko inaasahang si kuya pala ang patay na patay sa kanya.

Tumango siya.

Ewan pero sa narinig ko sa sinabing iyon ni Zach, napagtagpi-tagpi ko ang mga naoobserbahan, nakikita at naririnig ko kay kuya. Palagi siyang maagang umalis ng bahay at gabing-gabi na kung umuwi. At lalo na noong sinabi pa niya mismong hiwalayan ko si Zach kapalit nang pagpanatili sa setup namin. “Kaya pala... At kaya pala iniiwasan niya ako dahil kay Zach!” sigaw ng utak ko. Kaya lalong nanggalaiti ako sa galit sa natuklasan. “Akala ko hindi siya pumapatol sa lalaki! Akala ko, ako lang ang bakla!” sa isip ko lang.

“Kaya pala palagi siyang gabing-gabi na kapag umuwi ng bahay... dito pala siya nagpupunta sa iyo?” tanong ko kay Zach.

Tumago uli si Zach. “Pero hayaan mo na siya, ok? Huwag mo na lang siyang pansinin. Kapag nagpupunta uli siya dito, tatawagan na kita. Promise.”

Hindi na ako kumibo. Feeling ko, nalusaw ang galit ko kay Zach samantalang lalong tumindi ang galit ko kay kuya. Pakiramdam ko, kapa-kapaniwala ang mga sinabi ni Zach sa akin, at ang kuya ko talaga ang may pakana ng lahat. Siya ang umaagaw kay Zach sa akin.

“Woi, smile naman d’yan. Ngiti na, sayang ang oras. Tayong dalawa lang ang nandito o…” sabay pisil sa pisngi ko at hatak sa aking kamay. “Halika sa kwarto, may ibibigay ako sa iyo.”

At tuluyan nang nakalimutan ko ang galit para kay Zach.

Noong makapasok na kami sa penthouse, laking tuwa ko naman noong may iniabot siya sa akin. Isang maliit na box na nakabalot sa kumikinang na blue and red gift wrapper na may ternong pulang ribbon.

“Waaahhh! Ano iyan? Ang ganda!” sigaw ko ang mga mata ay nanlaki pa.

“Buksan mo. Inihanda ko talaga iyan para sa iyo…”

“Talaga?”

Tiningnan kong maigi ito. Ngunit napansin ko ring maluwag na ang cover nito, halatang nabuksan na. Ngunit hindi ko na ito pinansin pa.

Binasa ko muna ang maliit na card na naka-attach. Nakasulat dito ang, “To Erwin: ‘I Love You!’ -Zach-”

Napatinign ako sa kanya sa nabasang dedication, napaisip ng sandali. Ngunit napawi din ito noong maalala kong Erwin nga pala ang alam niyang pangalan ko at si kuya talaga ang Enzo na alam niyang siyang tunay din niyang chatmate.

“Buksan mo na!” panghikayat niya.

At noong binuksan ko, tumambad sa aking mga mata ang napakagandang kulay puti na bracelet.

“Hindi silver iyan ha? White gold iyan. Mas mahal pa iyan kaysa normal na gold.” Ang sabi niya.

“Whaaaa! Ang ganda-ganda.” Sigaw ko. Tiningnan ko ang ilalim nito, may nakatatak din na. “Zach loves Erwin”.

Sobrang saya ang nadarama ko na napayakap at napahalik ako sa mga labi ni Zach. Noong isinuot ko na, med’yo may kalakihan pero hindi ko na iyon pinansin. Bigay yata iyon ng aking mahal… Ang galit ko ay tuluyan nang napalitan ng matinding kasiyahan.

“Mula ngayon, ‘babes’ na ang tawagan natin ha?” ang sambit niya.

Tiningnan ko siya. At ang sunod kong naalimpungatan ay ang paglapat na ng aming mga labi. Matagal, mapusok, puno ng pagnanasa... na humantong sa kama.

At muli naming nilasap ang sarap ng bugso ng aming pagmamahalan.

Kaya, walang nagbago sa amin ni Zach. At pakiwari ko ay lalo pang naging mas sweet siya sa akin at tumatag ang aming pagmamahalan.

Gabi na noong umuwi ako ng bahay. Inihatid pa ako ni Zach, bagamat haggang gate lang siya dahil iniiwasan niya daw na makita ang kuya ko. Halos hindi ako makatulog sa gabing iyon sa sobrang pagka-sweet at maalalahanin sa akin ni Zach.

Subalit, kung gaano ka mas maganda at malalim ang relasyon namin ni Zach, kabaliktaran naman ang nangyari sa amin ni kuya Erwin. Syempre, matindi ang galit ko sa kanya sa kanyang ginawang panloloko at tangkang pag-agaw niya sa akin kay Zach.

Parang biglang nag-iba ang pagtingin ko kay kuya. Kung dati ay iniidolo ko siya at tinitingala, parang napakababa na niya sa paningin ko. “Ganyan pala siya? Hindi ko akalalain na lalaki din pala ang hinahanap niya, tapos ang palagi pa niyang sinasabi sa akin ay hindi raw siya bakla. Tapos heto pala, ang taong mahal ko ay siya pang aagawin niya?” ang mga tanong na naglalaro sa aking isip.

Kaya simula noon, hindi ko na siya kinikibo. Umiiwas na ako sa kanya na kahit sa kainan, may mga panahon na hindi ako sumasabay.

Siguro napapansin na rin ng mga magulag namin ang biglang pagbago na aming samahan ni kuya kaya noong kinausap ako ni mama, sinabi ko na lang na si kuya ang tanungin niya. Hindi ko rin naman kasi masabi ang tunay na dahilan. Alangan naman kung sabihin kong inagaw ni kuya ang lalaki ko. Una, hindi nila alam na lalaki pala ang mahal ko. At kung sabihin ko pang isang lalaki din ang type ni kuya at pinag-agawan pa namin iyon at naging sanhi ng aming “cold war”, e di lalong ma-shock pa sila.

Sa side naman ni kuya, pansin ko ring tuluyan na siyang nag-iba. Palagi na siyang malungkutin, tulala, malalim ang iniisip. Para siyang isang taong nawalan ng gana sa buhay, nawalan ng pag-asa. Pati sarili ay napabayan na rin, hindi na nag-aahit, mukhang walang tulog, hindi makakain ng maayos... Hindi gaya ng dati na ang ganda-ganda ng aura ni kuya, ngiti pa lang nakakahawa, nakakaloko, nakaka-inspire at nakakapag-heaven feeling sa bawat taong makakita nito. Sabayan pa sa porma niyang pamatay, nakakabighani, nakaka in-love. At napansin ko rin ang pangangayayat niya. At minsan hindi siya mahanap kung saan nagpupunta…

Ang tooo, nahirapan din naman ako sa aming kalagayan. Kuya ko kasi siya at simula pa noong bata pa kami ay siya ang katangi-tanging taong nand’yan palagi para sa akin. Lahat ng mga paghihirap ko, mga problema ko, siya minsan ang pumapasan, umaako. Buong buhay ko, siya na ang nakagisnan kong nag-iisang tao sa mundo na nand’yan para sa akin.

Ngunit ewan ko ba. Pride ba ang ganoon na dahil lang sa isang lalaki ay biglang naglaho ang lahat ng aking respeto, pagtingala, at pagmamahal sa kanya? O dahil ba ito sa sobrang pagka-spoiled ko sa kanya na halos hindi ko na nakikita ang kagandahang nagawa niya nang dahil lamang sa isang kamaliang nagawa niya sa akin. Pati ako ay nalilito na rin. Kasi, mahal na mhal ko talaga si Zach at hindi ko kayang magkahiwalay kami…

Kaya kahit na nakaramdam ako ng awa kay kuya, mas nangingibabaw pa rin ang galit ko sa ginawa niyang pagtaksil at pagsisinungaling sa akin. At mas lalo pa akong galit sa nalamang tangkang pag-agaw niya kay Zach sa akin.

Isang araw napadaan ako sa kwarto ng mga magulang ko. Hindi ito nakasarado at noong masumpungan kong silipin ang guang ng pinto, nakita ko si kuya sa loob, kausap ni mama. Seryoso ang kanilangmga mukha. Di ko maiwasang hindi matukso sa pakikinig kung ano ang kanilang pinag-uusapan.

“…nahirapan na ako, ma. Napakarami kong tanong, napakaraming bumabagabag sa aking isip. Marahil ay magiging ok lang ang lahat kapag nasa Lebanon na ako ma, makasama ang tunay kong ama.”

Hindi ko lubos maintindihan ang aking naramdamn sa pagkarinig sa sinabi ni kuya. Mistulang may isang sibat na biglang tumuhog sa aking puso. Biglang naramdaman ko ang awa na hindi ko maintindihan sa kalagayan ni kuya. Kasi, simula nang magkamalay ako, wala naman siyang sinasabi o ni reklamo tungkol sa tunay niyang ama. Itinuturing naman kasi siyang tunay na anak ng papa ko, parehas ang pagtrato ng papa ko sa aming dalawa. Minsan pa nga, siya pa ang pinapanigan ni papa kapag ganoong nagtataray ako o pinagdadabugan ko si kuya. Alam kasi ni papa na sobrang spoiled ako kay kuya.

Tiningnan ko ang reaksyon ni mama. Nagpapahid siya ng luha sa kanyang mga mata. Marahil, hindi niya maiwasang hindi manumbalik sa kanyang alaala ang masaklap na nakaraan. O baka rin ay naawa siya kay kuya...

“Sigurado ka bang iyan ang gusto mo, Erwin?” ang tanong ni mama.

“O-opo ma. At sana ngayong darating na summer break na... dalawang linggo mula ngayon.”

“Hindi mo na ba itutuloy ang pag-aaral mo?”

Hindi nakaimik agad si kuya, nanatili siyang nakayuko, tila pilit na pinigilan ang sariling huwag tumulo ang mga luha sa harap ni mama. “B-bahala na ma… Sayang din naman kasi ma, hindi rin ako makapag concentrate sa pag-aaral eh. Natatakot nga ako na baka may mga bagsak ako sa klase ko ngayon. Para akong mababaliw na ma...”

“Anak… ano ba talaga ang problema mo? Ang tunay na ama mo ba talaga o may iba pang dahilan? Hindi ka ba masaya sa amin??”

At doon na tuluyang bumigay ni kuya. Nagpapapahid siya ng luha ngunit pansin ko ang pagpigil pa rin niya sa sariling huwag ipakitang hahagulgol siya. Para bang bull’s eye sa kanyang puso ang tanong na iyon ni mama. Parang may iba pa siyang itinatago. At syempre, naiisip ko na may kinalaman marahil ang nangyari sa amin.

Parang gusto ko na ring bumigay sa sandaling iyon at umiyak. May naramdaman din kasi akong guilt sa sarili. Pakiramdam ko may kinalaman ako sa desisyong iyon ni kuya; upang marahil ay tuluyan na siyang makalayo sa akin, o baka kay Zach. At naglaro sa isip ang senaryo na kapag wala na si kuya, mag-isa na lang ako. Parang may malaking kulang. Parang may malaking mawawala sa buhay ko. Parang ansakit…

“Masaya naman ako ma.” Ang sagot ni kuya. “Sa pamilyang ito ako na-belong. Ang tahanang ito ang nag-iisang tahanan ko sa mundo ma. Dito ako naging tao, dito ko naramdaman ang tunay na pagmamahal… Wala na akong iba pang pamilya ma. Ang pamilyang ito lang ang mahal ko, at nagmahal sa akin.”

“Baka naman may kinalaman d’yan ang hindi ninyo pagkikibuan ni Enzo? Dati-rati, napaka-overprotective mo sa kapatid mo na halos lahat ng mga lakad niya ay inaalam mo, at sinasamahan mo pa siya. Daig mo pa nga ang tatay na nagbabantay sa nag-iisang anak na dalaga sa kanya. Ngunit nitong nakaraan, pinapabayaan mo a lang siya. Bakit? Ano bang problema?”

“K-kailangan niya iyan ma upang matuto siyang tumayo na wala ako. Kailangan niyang matuto sa buhay…”

“Mahal mo ba talaga ang kapatid mo kahit na siya ay isang…” hindi na itinuloy pa ni mama ang sasabihin. Alam ko naman din ang karugtong, “…half-brother mo lang?” sa isip ko.

At doon ako nagulat noong hindi na napigilan ni kuya ang humagulgol sa tanong na iyon, “Mahal na mahal ko si Enzo ma. Kahit ano, gagawin ko para lang lumigaya ang kapatid ko!” ang sagot ni kuya.

“Alalahanin mo, may kapatid ka marahil sa ama mong Lebanese.”

“Hindi ma. Iba si Enzo ma… mahal na mahal ko ang kapatid kong iyan. Hindi ko ipagpalit iyan kahit na kaninong kapatid. Siya ang nagpapaysaya sa akin simula pa noong ipinanganak siya, alam mo iyan ma. Naghirap din ako d’yan sa pag-aalaga, sa pagbabantay. Kaya hindi ko basta-bastang ipagpalit iyan.”

Ewan, ngunit sa pagkarinig ko sa sagot ni kuya na iyon, hindi ko namalayang pumatak na pala ang luha ko. Pakiramdam ko ay lumambot bigla ang puso ko. Naalala ko kasi ang mga pangyayari kung saan ipinakita ni kuya kung gaano niya ako kamahal. Ang mga pagtatnggol niya sa akin, ang mga pagbibigay niya sa akin sa mga bagay na kahit gusto niya basta gusto ko, walang reklamong ibibigay niya ito sa akin. Ang mga pagbibigay niya sa mga utos at pakisuyo ko na kahit mahirap para sa kanya, gagawin pa rin niya ito kagaya noong pagpapanggap niya na chatmate ni Zach.

Naghalo tuloy ang naramdaman ko sa kanya: pagkaawa, pagkaantig sa puso ko at inis sa ginawa din niyang pang-aagaw kay Zach sa akin.

“Kung ganoon, bakit ka pa aalis? Kailangan ka ni Enzo… kailangan ka namin ng papa mo. Kailangan ka upang mabuo ag pamilyang ito.” ang tanong uli ni mama.

Hindi makasagot agad ni kuya. Nanatili itong nakayuko at nagpahid ng luha. “Basta ma, gusto ko lang hanapin ang biological na tatay ko. Babalik naman ako dito ma eh. Hindi ko nga lang alam kung kailan. At huwag kag mag-alala, kasi may nakilala akong NGO na inirekomenda sa akin ng Philippine embassy upang siyang tutulong sa akin sa paghahanap sa papa ko sa Lebanon.”

Napahinto si mama sandali. At marahil ay naawa na rin sa kalagayan ni kuya, “O sige. Kakauspin natin ang papa mo mamaya pagdating niya. Malaking pera din ang gagastusin natin kapag umalis ka at sa isang lugar pa na hindi mo kabisado.”

“S-salamat ma, at niyakap na ni kuya si mama.”

Dali-dali akong umalis sa gilid ng pintuan ng kwarto upang hindi mahalatang nakinig ako sa kanilang pag-uusap.

Nakaupo na ako sa sofa noong lumabas na si kuya. Nagkunyari akong busy sa pagtitext habang palihim ko namang pinagmasdan siya.

Parang wala lang siyang nakita, hindi ako pnansin. malungkot na malungkot pa rin ang mukha niya. Alam ko, nakita niya akong nakaupo doon ngunit marahil ay takot lang siyang i-approach ako dahil sa iniisip niyang galit pa rin ako sa kanya.

Ewan, hindi ko rin maintindihan ang naramdaman. Parang bumalik uli ang awa ko sa kuya ko at parang hindi ko pa kayang tanggapin na mawala siya sa pamilya namin. Parang hindi mabubuo ang buhay ko kapag wala si kuya.

Dahil sa nalaman kong planong pag-alis ni kuya, hindi ko rin mapigilan ang sariling hindi mapakali. Hindi ako makatulog, hindi halos makakain, patindi nang patindi ang naramdaman kong awa kay kuya habang nakikita ko siyang ganyang malalim ang tingin at parang nagmamakaawa sa akin na kausapin ko na siya. Ngunit may isang parte pa rin kasi ng utak kong nagmamatigas, laging iginiit ang eksena kung saan nahuli ko siyang nakikipaghalikan kay Zach, hindi kayang patawarin siya sa kanyang panloloko.

Isang gabi, pakiramdam ko ay hindi ko na talaga matiis, tinungo ko na naman ang butas sa dingding na pagitan ng kwarto namin na ginawa kong silipan. At kagaya nang nakikita ko sa kanya sa labas, ganoon pa rin siya sa loob ng kuwarto niya. Malungkot na malungkot, ni hindi nagbubukas ng tv, nakahiga lang patihaya, ang mga mata ay nakatutok sa kisame.

Maya-maya, nakita kong tinumbok niya ang drawer, inikot ang numerong kumbinasyon ng lock at hinugot ang litrato uli na iyon. Naupo siya sa silya, inilatag ang litrato sa mesa at pakiwari ko ay kinakausap niya ito! Ewan kung ano ang mga sinasabi niya. Maya-maya, nakita ko na lang na pinapahid niya ang pisngi niya. Umiiyk ang kuya ko habang kinakausap ang litrato na iyon.

Ewan pero hindi ko talaga lubos maintindihan ang naramdaman sa nasaksihan. Kasi maraming naglalaro sa isip kung sino ba talaga ang nasa litrato. “Si Zach kaya iyon? At kaya siya umiiyak ay dahil naghiwalay na sila? O hindi kaya iyon ang papa niya?”

Syempre, kapag si Zach iyon, masakit dahil boyfriend ko iyong mahal niya at bumabalik-balik din sa akin ang kanyang ginawang panloloko. Pero sa isang banda, naawa din ako sa kanya kasi, kung ganoong parang nasira ang buhay niya dahil sa pagmamahal niya sa boyfriend ko, parang nakakaawa naman. At kung papa nga niya ang nasa litrato, dapat ay lalo ko siyang intindihin.”

Hindi ko na nakayanan pa ang nasaksihang iyon kay kuya. Mistulang piniga ang aking puso sa kanyang paghihinagpis. Tinakpan ko uli ang butas at tumalikod na, humiga sa aking kama, puno ng kalituhan ang pagiisip.

Kinabukasan, napag-alaman kung pinayagan si kuya nila mama at papa na pumuntang Lebanon. Sila na rin ang nag-ayos sa lahat ng mga papeles ni kuya pati na ang mga dokumento ni mama na nagpapatunay na nagtrabaho nga siya sa Lebanon kaya siya nabuntis doon. Full support ang mga magulang ko kay kuya.

Habang palapit nang palapit ang takdang araw ng pag-alis ni kuya, mistulang naturete na ang isip ko. Parang may nag-udyok sa isip ko na kausapin ko na siya, lapitan, pigilan sa kanyang planong pag-alis.

Ngunit mataas pa rin ang pride ko. At upang malimutan ko siya, palaging si Zach ang tinatawagan ko o kaya’y pinupuntahan sa resort.

Mukha namang walang kaalam-alam si Zach na aalis si kuya. Marahil ay talagang wala na silang contact sa isa’t-isa.

Araw ng pag-alis ni kuya. Maaga akong nagising gawa nang hindi ako makatulog at parang gusto ko na talaga siyang kausapin. Sinilip ko ang butas sa dingding kung nandoon pa rin ba siya ngunit ang mga bagahe na lang niya ang aking nakita. Mukhang handang-handa na siyang lumisan.

Lumabas ako sa kwarto ko at bumaba sa sala. Nandoon pala siya, nakaupo at mukhang hinintay ang paglabas ko. Tinitigan niya ako, bakas sa kanyang mga mata ang matinding lungkot. Mistulang nakikipag-usap ang mga titig niya sa akin, nagmamakaawa.

Hindi ko alam ang gagawin. Nagtalo ang isip na uupo sa kinauupuan niya at tabihan siya o dadaan na lang ako sa harap niya at i-ignore siya, dating gawing pang-iisnab ko. Parang nasisilaw ako o matutunaw sa mga tingin niya habang nasa pinakamababang baitang na ako ng hagdanan at nasa harap ko na siya.

Ngunit dahil sa pagdadalawang isip, nanalo sa aking utak ang pag-ignore na lang sa kanya. Lumihis ako ng direksyon at kunyari ay tinumbok ko ang kusina.

Noong makalampas na ako sa kinauupuan niya, parang may nag-udyok sa akn na lingunin ko siya. Ngunit pride pa rin ang nangingibabaw sa akin. Lumampas na kasi ako at kapag lumingon pa ako, baka mahalata niyang gusto ko pala siyang makita o maka-usap ngunit paayaw-ayaw lang. Kaya pinanindigan ko na lang ang pag-ignore sa kanya.

Pakiramdam ko ay gusto kong umiyak at magalit sa sarili kung bakit hanggang sa araw pa na magkalayo na kami ay hindi ko pa rin kayang patawarin siya.

Ngunit hindi pa man ako tuluyang nakaabot sa kusina, narinig ko ang pangalan kong tinatawag, “Enzo…”

“Si Kuya!” Sigaw ng aking isip. “At siya ang tumawag sa akin!” Agad akong lumingon.

Nakatayo na pala siya sa likod ko at sinundan ako.

“B-bakit?” sagot ko, ang boses ay matigas at halatang may galit pa rin.

“A-alis na ako at…” napahinto siya “…alagaan mo palagi ang sarili mo. Huwag mong bigyan ng sakit ng ulo ang mga magulang natin. Atsaka, huwag kang masyadong magtiwala kay Zach. Hindi ka niya mahal.” Ang sambit niya sabay talikod na at akyat sa kanyang kwarto, hindi na hinitay na sagutin ko pa ang kanyang sinabi.

Tila isang bomba ang narinig kong iyon mula kay kuya. Gusto ko pa sanang magreact ngunit pinigilan ko na lang ang sarili, isiniksik sa utak na mahal pa rin siguro niya iyong tao kaya niya nasabi ang ganoon, na huwag akong magtiwala at na hindi ako mahal noong tao. “At kanino ba ako magtitiwala? Sa kanya? Na niloko na nga niya ako?” sigaw naman ng isip kong tumutol sa kanyang sinabi.

Hindi ko na binigyang pansin pa ang sinabing iyon ni kuya. Ngunit puno pa rin ng kalituhan ang aking isip, hindi alam kung sasama ba ako sa paghahatid sa kanya sa airport o hayaan na lang na iyon na ang huli naming pagkikita at pag-uusap.

Ang ginawa ko, pumunta ako kay Zach sa resort. Noong nasa penthouse na ako, dire-diretso akong pumasok. Nagsa-shower pala siya kaya hindi ko na inistorbo. Inilatag ko ang dalang knapsack sa isang gilid at nahiga ako sa kama.

Nasa ganoon akong pagmumuni-muni noong nakita kong nag-vibrate ang cp ni Zach. “May message siya!” Sa isip ko lang. Hindi ko na binigyang-pansin ito. Ngunit wala pang tatlong sigundo ay may message uli. At may sumunod pa, at may sumunod uli…

Siguro may anim o pitong text messages na ang napansin kong pumasok sa cp niya noong maisipan ko nang lapitan ang mesa kung saannakalatag ang cp. Dinampot ko ito, binuksan ang inbox at binasa ang unang message. At ang nakasulat ay, “******ina mo! Nasusuka na ako sa mga pinaggagawa mo! Tantanan mo na kamiiii!!!!!”

Nagulat ako sa nabasang iyon. Galit na galit ang nagtext.

Binuksan ko uli ang isa pang message. Ang nakasulat uli ay, “******ina mo! Go to hell! F*** you! Sinira mo na ang buhay ko!!!!”

Gulat na gulat talaga ako sa nabasang mensahe na iyon. Puro mura ang ipinadalang mensahe at nanggalaiti ito sa galit.

Hindi ko na binasa pa ang sumonod na mga texts bagkus tiningnan ko kung saan ito nanggaling. At ang nakita kong nakasulat na pangalan ay ”XXX”.

Wala naman sana sa akin iyon kasi baka may mga taong galit lang sa kanya, naiinggit o naninira sa kanya. Ngunit pamilyar kasi sa akin ang numero na iyon kaya naisipan kong kunin ang cp ko at tiningnan ang directory nito, ikinumpara sa “XXX” na sender sa cp ni Zach.

At lalo pa akong nagulat noong ang tumugma na pangalan sa aking phone directory ay walang iba kundi ang numero ng kuya Erwin ko...

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment