Wednesday, August 22, 2012

SI UTOL ANG CHATMATE KO - Part 27

Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nawalan ng malay. Ngunit nagising akong may narinig na dalawang babaeng nag-uusap. Pakiramdam ko ay nanaginip lang ako. Parang lumulutang ako sa ulap, lasing, o lethargic, tila hapong-hapo at napakadilim ng aking paligid. Nasa isang semi-conscious ang aking kalagayan.

Agad kong nabosesan si mama at ang kausap niyang babae na siya ring kumausap sa akin sa restaurant.

“Bakit ka ba kasi nagpakita sa kanya? Di ba usapan natin na huwag mo na kaming guluhin? Maawa ka naman sa amin, Martha. Maawa ka kay Enzo... Tingnan mo kung ano ang nangyari sa kanya dahil pangingialam mo! Nagugulo tuloy ang pag-iisip niya at hayan, tingnan mo ang nangyari sa kanya!” ang narinig kong paninisi ni mama sa babae.

“Patawarin mo ako Helen. Hindi ko akalain na kilala pala niya ang nasa litrato. Akala ko ay wala siyang alam...” Sagot naman noong babae kay mama.

“Pwes, alam niya! At kung tinupad mo lang sana ang usapan natin, hindi hahantong ang lahat sa ganito! Kapag may nangyari sa kanya, ikaw ang dapat sisihin!” ang galit na sabi ni mama.

“Oo, ako na ang may kasalanan ng lahat. Sa simula pa lang, ako ang puno’t-dulo ng lahat ng ito. Pero hindi ito ang tamang panahon upang magsisihan tayo. Kailangan ng anak ko, ng anak mo, ang tulong. Magtulungan tayo para sa kanya.”

At narinig ko na lang na humagulgol na si mama, marahil ay hindi na nakayanang magpakatatag. “Napakadali namang sabihin niyan... lalo na sa iyo na hindi nagpalaki sa kanya! Iniwanan mo siya noong bata pa at ngayong napamahal na sa amin iyan, basta-basta mo na lang guguluhin, sisirain ang lahat? Ano ba iyan? Aso? Pusa? May balak ka sigurong kunin siya sa amin ano?”

“H-hindi. Hindi ko kukunin si Enzo sa inyo. Hindi iyan ang ibig kong mangyari. Gusto ko lang makita ang anak ko, matulungan siya. Iyan lang, Helen. Huwag kang mag-isip ng ganyan.”

“Diyos ko poooooo! Bakit ang sakit-sakit naman ng mga nangyaring ito sa pamilya ko!!!! Hindi ko alam kung ano na ang nangyari sa panganay kong si Erwin at heto ngayon, delikado pa ang lagay ng aking bunso!!!” ang sigaw ni mama na mistulang naglupasay.

“Tama na iyan, Hon. Tama na.... Ipanatag mo ang loob mo.” ang narinig kong boses ni papa, sinusuyo si mama.

“Tama ang asawa mo, Helen. Ipagkatiwala na lang natin ang lahat kagustuhan ng nasa itaas...”

“Hindi mo naramdaman ang naramdaman ko! Dalawang anak ko ang nadisgrasya!” Bulyaw ni mama.

“Naramdaman ko iyan, Helen. Dalawang anak ko rin ang nagdusa! Nasa matinding kalagayan ang panganay ko, alam mo ba? Alam ko ang sakit na naramdaman mo! At mas masakit ang sakin dahil matagal na akong nagdusa!”

“Hah?” ang gulat na sagot ni mama. “Paano mo nasabi iyan?”

“Si Zach. Anak ko siya sa isang Amerikano.... Ipina-adopt ko siya sa isang mayamang militar na hindi biniyayaan ng anak. Alam mo ba kung ano ang kalagayan ni Zach ngayon?”

“D-di ba naaksidente siya?”

“Sinadya niyang wakasan ang buhay niya. Nalaman niyang may sakit siyang kanser at itinago niya ito, dagdagan pang nalaman din niyang ampon lang siya. Hindi nakayanan ng bata ang lahat. Kaya nagawa niya ang tangkaing kitilin ang sariling buhay... Pakiramdam niya ay wala nang nagmamahal sa kanya, wala nang silbi ang kanyang buhay.”

Lalo naman akong tinablang ng awa kay Zach. Kasi, iyon din ang panahon kung saan siya hiniwalayan ni kuya, nang dahil sa akin. At ngayong nalaman kong siya pala ang hinanap ng aking ina na kapatid ko, lalo pa akong nakonsyensya. Parang lalong gusto ko nang mamatay na rin lang.

“Pagkatapos ng pagkaaksidente niya, doon pa lang nalaman ng mga duktor ang matinding karamdamang itinatago nito. Delikado ang kalagayan niya, Martha. Kaya huwag mong sabihing hindi ko naramdaman ang naramdaman mo. Pareho ang naramdaman natin. Pareho tayong naharap sa matinding pagsubok!”

“N-nagkita na ba kayo ni Zach? Nakita ka na ba niya?”

“Hindi. Ayaw akong payagan ng ama niyang heneral. At iyon ang hindi ko rin maintindihan. Hindi ko alam kung ano ang plano niya o natakot ba siyang kunin ko si Zach. Saka na raw... kapag nagpagamot na sa Amerika ang anak ko. Kaya lalo lamang itong nagpatindi sa bigat ng aking paghihirap.”

Hindi na nakaimik pa ni mama.

“Helen, pangako namin ni Alfred, tutulungan ka namin. Hindi ka namin pababayaan. Lahat ng gastusin sa paghahanap kay Erwin at sa pagpagamot kay Enzo sasagutin namin ng asawa ko. Magtulungan tayo bilang isang pamilya, dahil ang anak ko ay anak mo rin... Nandito lang kami.” dugtong ng babae.

Sa puntong iyon na sana ako babalikwas; upang yakapin si mama, upang sabihin sa kanyang OK lang ako, at na huwag siyang mag-alala sa akin. Subalit laking gulat ko nooong hindi ko magalaw ang aking katawan at wala akong maramdaman. Tinangka kong lingunin ang pinanggalingan ng mga boses nila ngunit wala akong lakas na gawin ang lahat ng nasa utak ko.

Pinilit kong ibuka ang aking bibig at sumigaw. Ngunit hindi ko rin maigalaw ito. Pakiwari ko ay tanging isip at pandingi ko na lang ang gumagana. Pakiramdam ko ay nakakulong ako sa isang katawang hindi gumagalaw. Parang ang lahat ay nasa isip ko na lang.

Maya-maya, narinig kong may nagbukas ng pinto. “Duktor, ano na po ba ang resulta ng mga isinagawang tests ninyo sa kanya?” tanong ng mama ko.

“Mahirap... At ihanda na lang natin ang ating mga kalooban, in case worse comes to worst. Malaking bahagi ng utak niya ang napinsala sa aksidente. At kasali sa napinsala ay ang parte na kumukontrol ng mga pagkilos ng katawan at pagsasalita. Malaking pinsala din ang natamo sa kanyang mga mata at may 95% posibilidad na mabulag siya...”

Narinig ko kaagad ang pagsisigaw ng mama ko, naglupasay. “Hindi!!! Sabihin mong hindi totoo iyan duktor! Hindi ko matatanggap iyan!!!”

“Pasensya na misis. Iyan ang katotohanan...”

Pakiramdam ko ay tuluyan nang gumuho ang aking mundo. Kaya pala may naramdaman akong piring sa aking mga mata. Parang tuluyan nang nawalan ako ng pag-asang mabuhay pa. Siguro, kung kaya ko lang igalaw ang aking katawan, magbibigti na rin ako. Napakahopeless ng aking kalagayan. Para akong isang taong buhay ang diwa ngunit patay ang buong pagkatao dahil bagamat nakakarinig pa ang aking tenga, hindi ko naman magawang magsalita o gumalaw, dagdagan pa na ang tangiing nakikita ko ay purong kadiliman. Sumagi sa isip kong sana ay hindi na lang ako nabuhay pa sa aksidente. At lalo pa na wala si kuya sa tabi ko. Wala nang silbi ang lahat.

“Kawawa naman ang anak ko!!! Ano ba ang ginawa mo asa anak ko, Martha! Hindi mo ba alam na lahat ng gusto niyan ay ibinibigay namin! Napakasaya ng aming pamilya at heto ngayon, sinira mo!!!” ang sigaw na paninisi ni mama.

“H-helen... kung gusto mo, dadalhin natin si Enzo sa Amerika. Doon natin siya ipagamot. Si Alfred ay may anak na isang neuro-surgeon sa una ninyang asawa at espesyalista siya sa ganitong mga kaso. Maraming high-profile na kaso nang hinawakan ang anak niyang iyon, ang iba ay mga politikong biktima ng assassination attempt, siya sa mga humahawak. Sa tingin ko ay malaki ang maitutulong niya sa paggaling ni Enzo...”

“Oo. Sa amerika mo siya ipapagamot dahil balak mo namang kunin siya sa amin? Ganoon ba ang plano mo?” tugon ni mama.

“Helen, wala akong balak na agawin ang anak ko sa iyo. Nagsisi ako na nagpakita pa sa kanya. Sapat nang alam kong nasa mabuti siyang kalagayan. Sapat nang nakita ko siya, na malaki na, na masaya. Kapakanan niya ang iniisip ko. Hahayaan mo na lang ba siyang maging ganyan? Hahayaan mo ba siyang mamatay?”

Tahimik.

“Sasagutin ko ang lahat ng gastusin. Huwag kang mag-alala. At gusto kong kasama ka o kayo ng asawa mo sa pagpunta ni Enzo sa Amerika upang mas maalagaan natin ang anak natin at mabigyan ng moral support. At upang hindi ka na rin mag-isip na aagawin ko siya sa iyo.”

“Duktor... may magagawa pa po ba kayo upang mapabuti ang kalagayan niya kung sakaling dito na lang namin siya ipagamot?” ang narining kong tanong ni mama sa duktor.

“Misis... kung hindi sana ganyan kalala ang kalagayan niya, maaaring may magagawa pa kami. Pero sa ganyan, mahirapan kami gawa ng kakulangan sa kagamitan at ekspertong duktor para sa ganyang kaso. Kaya kung kaya po ninyong gumastos upang maipagamot siya sa mas advanced na ospital sa ibang bansa, iyan po ang mai-rekomenda ko. We will supoprt you with all the paperworks, reports, test results and everything. At kung mangyari man ito, gawin po ninyo ito sa lalong madaling panahon...”

Tahimik.

“O... payag ka na Helen. Ipalalakad ko na ang lahat ng mga ducomentations at formalities ngayon na para makaalis tayo sa lalong madaling panahon. Kayong mag-asawa ba ang sasama sa Amerika?”

“Ah... si Helen na lang. Kailangang may tao dito. Hindi pa namin nahahanap si Erwin kaya kailangang may matitira mag-asikaso sa paghahanap sa kanya.” Ang sagot naman ni papa.

At narinig kong parang bumukas ang pintuan.

Tahimik.

“P-paano iyan... maghiwalay pala tayo nito.” Boses ni papa. Nandoon pala sila.

“I-ikaw na lang kaya ang sumama kay Enzo sa Amerika?” mungkahi ni mama.

“Mas mahirap kapag ikaw ang maiiwan dito. Wala kang makakasama. At least kapag ikaw ang sumama sa Amerika, nand’yan sina Martha at ang kanyang asawa. Hindi ka naman siguro pababayaan nila doon.”

“Diyos ko... bakit ba nangyari ito sa pamilya natin? Bakit pa sabay-sabay silang nagkaproblema... Ang hirap! Ang sakit! Hindi ko kaya!” sigaw ni mama.

“Hayaan mo na. Malalampasan din natin ang lahat ng ito...”

“Kailan? Kapag patay na si Enzo? Kapag nalaman na nating si Erwin ay...?” hindi na itinuloy ni mama ang sasabihin gawa ng paghagulgol.

“Huwag kang magsalita ng ganyan... may pag-asa pa ang lahat.”

Iyon ang huling natandaan kong narinig na mga pag-uusap nina mama at papa.

Ewan kung gaano ako katagal nakatulog uli. Ngunit nagising muli ang aking diwa noong naramdaman kong may dumampi sa aking bibig at siniil ito ng halik.

“S-si Kuya????” sigaw ng utak ko.

“Tol... lumaban ka. Ipaglaban mo ako tol...” bulong niya habang pansin ko ang pagcrack ng kanyang boses.

“Umiiyak si kuya!” sa isip ko lang.

“Mahal na mahal kita tol. Iparamdam mo naman sa akin na mahal mo rin ako please... Lumaban ka tol!”

At sa pagkarinig ko sa sinabi niya. Nabalot sa matinding emosyon ang aking utak. Magkahalong tuwa na nalamang buhay saiya at lungkot na hindi ko man lang kayang igalaw ang aking katawan, suklian ang kanyang halik at sagutin ang kanyang tanong. Umiyak ako ng umiyak.

At narinig ko na lang si kuyang nagsisigaw bagamat halatang kinokontrol pa rin ang boses. “Narinig mo ako tol! Umiiyak ka! May mga luhang dumaloy sa iyong pisngi! Waahhhh! Hindi mo ako iiwanan!” ang sambit ni kuya habang naramdamn ko naman ang pagdampi ng kamay niya sa aking pisngi, pinahid ang mga luhang dumaloy dito.

Tahimik. Marahil ay pinagmasdan niya ang aking kalagayan at naalipin ng awa, o maaring umiyak na rin siya habang pinagmasdan ang pagdaloy ng mga luha sa aking pisngi.

Maya-maya, binulungan niya ako. “Kaya mong labanan ang lahat, tol, kahit pa ang kamatayan. Habang pumipintig ang iyong puso at patuloy nitong isisigaw ang pangalan ko, sasagipin ka ng ating pagmamahalan... Alam ko, ikaw ay nakatadhana para sa akin. Hindi isang aksidente ang pagluwal sa iyo sa mundong ito at ang pagsalubong ng ating landas. May dahilan ang lahat. Ipinanganak ka dahil kailangan kita; ipinagdugtong ang ating landas dahil hindi buo ang buhay mo kapag wala ako...”

Biglang nabuhayan ang aking loob sa narinig na mga sinabi ni kuya, at sa saya na ramdam kong kanyang naramdaman. Pakiwari ko ay nawala ang lahat ng aking pangamba at may malakas na nag-udyok sa akin upang lumaban at makipagbuno sa kamatayan.

“Hindi ako bibitaw tol... ano man ang mangyari. Pangako ko iyan sa iyo. At kahit na anong hadlang ang susubok sa atin, sabay nating harapin at lupigin ang mga ito. Walang iwanan tol... promise. Kahit saang lupalop ka man magpunta, hahanapin at hahanapin pa rin kita, kahit sa dulo pa ng mundo... kahit sa bingit ng kamatayan. At kahit sa mundo na banda pa roon, dapat ay magsama pa rin tayo. Hindi ko papayagang magtagumpay ang kung sino o ano man ang hahadlang sa ating pagmamahalan. Di ba kasal na tayo? Asawa mo na ako, at asawa na rin kita. Para sa akin ka lang at ako ay para sa iyo. Nagsumpaan tayo ng ‘for better or for worse, in sickness and in health, ‘til death do us part...’ Paninidigan natin iyan. Hindi ako bibitiw sa sumapaang iyan tol. Huwag mo rin akong bitawan...”

Muli na naman akong napaiyak. At ang sunod kong narinig ay ang aming kanta –

Para kang asukal
Sintamis mong magmahal
Para kang pintura
Buhay ko ikaw ang nagpinta
Para kang unan
Pinapainit mo ang aking tiyan
Para kang kumot na yumayakap
Sa tuwing ako’y nalulungkot
Kaya’t wag magtataka
Kung bakit ayaw kitang maawala

[chorus]

Kung hindi man tayo hanggang dulo
Wag mong kalimutan
Nandito lang ako
Laging umaalalay
Di ako lalayo
Dahil ang tanging panalangin ko ay ikaw
Di baleng maghapon umulan
Basta’t ikaw ang sasandalan
Liwanag ng lumulubog na araw
Kay sarap pagmasdan
Lalo na pag nasisinagan ang iyong mukha
Hinding-hindi magsasawa
Ayoko ng magsawa
Bahala na, ayoko muna magsalita
Hayaan na muna natin ang hatol ng tadhana

At pagkatapos ay isinunod pa niyang ipatugtog ito –

Bawat sandali ng aking buhay
Pagmamahal mo ang aking taglay
San man mapadpad ng hangin
Hindi magbabago aking pagtingin
Pangako natin sa Maykapal
Na tayo lamang sa habang buhay
Maghintay

Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig
Maghintay ka lamang, Ako’y darating
Pagka’t sa isang taong mahal mo ng buong puso
Lahat ay gagawin makita kang muli,
Makita kang muli

Puso’y nagdurusa nangungulila
Iniisip ka ‘pag nag-iisa
Inaalala mga sandali
Nang tayo ay magkapiling
Ikaw ang gabay sa aking tuwina
Ang aking ilaw sa gabing mapanglaw
Tanging ikaw

Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig
Maghintay ka lamang, ako’y darating
Pagka’t sa isang taong mahal mo ng buong puso
Lahat ay gagawin
Makita kang muli, makita kang muli
Makita kang muli
At noong hinawakan ni kuya ang kamay ko, naramdaman ko na ito. Pinisil-pisil niya. Pinilit kong galawin ang kamay na hinwakan ni kuya. Subalit hindi ko magawa ito. Gusto kong ipadama sa kanya na naramdaman ko siya, na nakakarating sa akin ang mensahe at mga sinasabi niya, at maiparating ko rin ang mensaheng pipilitin kong maging matatag at lumaban ng dahil sa aming pagmamahalan.

Ngunit bigo ako... Hindi ko pa rin maigalaw ang kahit ano mang parte ng aking katawan.

Hanggang sa naramdamn kong lumuwag na ang paghawak ni kuya sa aking kanang kamay at ang sunod kong naramdaman ay ang pagdampi ng labi niya sa aking pisngi.

Pinilit kong galawin ang aking daliri upang kalabitin ang kanyang kamay na nakadampi pa rin doon. Ibinigay ko ang lahat ng aking lakas at konsentrasyon upang kahit katiting na paggalaw ay magawa ng aking daliri.

At laking tuwa ko noong biglang nahinto si kuya sa kanyang paghahalik at, “Tol...? Kinalabit mo ba ang kamay ko?”

Naramdaman kong hinawakan niya muli ng mahigpit ang kamay kong iyon.

“Iparamdam mo sa akin tol na nand’yan ka, nakikinig, naramdaman ang lahat... Igalaw mo uli ang kamay mo, tol. Kahit daliri lang. Please....”

Tinangka kong muling igalaw ang aking daliri.

“Shitttttt!!! Naigagalaw mo ito tol! Yessss!” ang sigaw ni kuya, naglulundag bagamat pansin ko pa ring pigil na pigil ito.

Wala ding mapaglagyan ang matinding naramdaman ko. Mistulang nalimutan ko ang aking mahirap na kalagayan. Tuwang-tuwa ako sa sobrang kasayahan ni kuya at sa nagawa kong paggalaw sa aking daliri. Parang napakalaking tagumpay ito para sa akin. At hindi magkamayaw si kuya sa sobrang tuwa sa aking nagawa.

At lalo pa akong natuwa noong, “Heto tol... isusuot ko sa iyong gitnang daliri. Tinanggal ko ang gintong singsing na pendant ng aking necklace it isuot ko ito dito sa daliring naigalaw mo upang palagi mo akong maalala at lalo mo pang pagbutihin ang paggalaw nito... hanggang sa buong kamay mo na ang maigalaw mo pati na ang iba’t-ibang bahagi ng iyong katawan. Gawin mong inspirasyon iyan tol... galing sa akin, para sa akin, dahil sa pagmamahalan natin.”

Sobrang na touched ako sa ginawa ni kuya. Kasi ang pendant niyang iyon ay galing pa sa ama niyang Lebanese. Ibinigay ito kay mama bago sila maghiwalay upang ipasuot kay kuya.

Sobrang saya ko sa ginawa ni kuyang pag-encourage sa akin. Parang nabigyan muli ako ng panibagong buhay at lakas.

Akala ko tuloy-tuloy na ang lahat. Subalit, “T-tol... pasensya na. Hindi ako puwedeng magtagal. Hindi ako puwedng makita ninuman. Basta palagi mong tandaan, nandito lang ako. Magpakatatag ka at magpagaling dahil nandito lang ako. Magkikita din tayo tol... sa tamang panahon. Promise.” At naramdaman ko ang muling pagdampi ng mga labi ni kuya sa mga labi ko.

Biglang tahimik... Kung gaano kabilis ang kanyang pagsulpot ay siya ding bilis ng kanyang paglisan. Hindi ko alam kung saan siya nagpunta, hindi ko alam kung saan siya nanggaling. Parang isa siyang bula na biglang naglaho. Iniwanan niya ako na puno ng katanungan at disorientation ang isip.

Muling dumaloy ang mga luha sa aking pisngi.

Wala pang dalawang segundo ang lumipas o halos kasabay lang ng pagpaalam ni kuya, narinig ko naman ang pagbukas ng pinto at mga yapak papasok sa ward. Tila dalawang tao sila.

“Handa na po ang mga reports, documentations and formalities Sir para sa trasfer ng pasyente. Kapag may kailangan pa po kayo, just tell me. Bukas na daw po kasi ang alis ng pasyente.” ang narinig kong sabi ng nurse.

“Ok. Salamat miss. Sasabihin ko na lang sa inyo kung ano pa ang mga kailangan namin.” Sagot naman ni papa. “Sandali miss... nakita mo ba ang asawa ko?” dugtong ni papang tanong sa nurse.

“E... sir, baka nand’yan lang, lumabas lang sandali. Nakita ko kanina sa information e...”

“Ah ok. Hihintayin ko na lang.”

Narinig kong bumukas uli ang pintuan. “Saan ka ba nanggaling? Iniwanan mo si Enzo na nag-isa” Tanong ni papa sa pumasok.

“Aalis na po ako sir, Ma’am. Kung may kailangan po kayo, just call me.” Ang paalam noong nurse. At narinig ko muli ang pagbukas at pagsara ng pinto.

“Sumaglit lang ako sa chapel... Hiniling ko na sana ay ibalik niya ang lakas ni Enzo at bigyan siya ng senyales na magpalakas ng kanyang loob upang malampasan niya ang mga pagsubok... at si Erwin ay mahanap, ligtas sa kapahamakan at magpakita na sa atin...” ang sagot niya sa tanong ni papa. Si mama pala iyon, ang boses ay nag-crack, halatang umiyak. “M-may balita na ba tungkol kay Erwin?” tanong din niya kay papa.

Binitiwan lang ni papa ang malalim na buntong-hininga. “Wala pa rin. Wala pag lead kung ano ang nangyari sa kanya. Walang makitang katawan kung sakaling nalunod man ito o pinatay... at wala ring kumontak sa bahay kung may kumidnap man.” Sagot ni papa.

Gusto ko sanang isigaw sa kanila na bumisita sa akin si kuya at na huwag na silang mag-alala kasi buhay si kuya.

Ngunit nanatiling sarili ko lang ang nakakarinig sa pagsisigaw ng aking isip. Pinilit ko ring igalaw ang daliring naigalaw ko noong bumisita sa akin si kuya upang sana ay makita nila ang pendant ng kwintas ni kuya na isinukbit niya sa aking daliri. Ngunit hindi rin nila napansin ito. Tanging ako lang at ang sarili ko ang nakakaalam sa lahat. Gaano man kalakas ang pagnanais kong maiparating sa kanila ang aking mensahe, wala akong magawa. Tiniis kong sarilinin na lang ang lahat.

Nabalot din ng napakaraming katanungan ang isip ko. Bakit hindi nila nakita si kuya samantalang wala pang limang segundo simula noong umalis siya ay dumating din ang nurse at si papa? Dapat ay nakita nila itong lumabas ng kuwarto? Bakit tila nagmadali si kuyang umalis at hindi na hinintay pa ang pagdatnig nina papa at mama? Bakit nasabi niyang walang dapat makakakita sa kanya?

Hindi ko tuloy maiwasang hindi mag-isip nab aka patay na nga si kuya. At ito ang matindi kong kinatatakutan. Multo na lang kaya niya ang dumalaw sa akin at pinalakas lang niya ang aking kalooban?

Hindi ko rin tuloy maiwasang malungkot muli. “Kuya... kung sakaling nasa kabilang buhay ka na, kunin mo na lang ako upang magsama na tayo d’yan, please... Hindi ko po kaya ang ganito at wala ka sa piling ko.” ang sigaw ko sa sarili habang nag-iisip sa ganoong senaryong baka kaluluwa na lang ni kuya iyong dumalaw sa akin.

Araw na dadalhin na nila ako sa Amerika. Naramdaman kong ginagalaw ng nurse ang aking katawan, marahil ay upang ihanda ako sa biyahe. At bagamat ang pagkakaalam niya ay hindi ko siya narinig, kinakausap pa rin niya ako na para bang isa akong bata, habang inaayos niya ang aking katawan. “Enzo... aalis ka na, pupunta ka na ng Amerika. Huwag kang mag-alala dahil doon, mga dalubhasa ang mga duktor na mag-aalaga sa iyo at advanced pa ang mga facilities... siguradong gagaling ka na. Magpagaling ka doon at syempre, palagi kang positive, huwag mawalan ng pag-asa ha?” sambit ng nurse. Mabait din ang nurse na iyon. Ramdam ko ang kanyang kabaitan. Parang ang pakikitungo niya sa akin ay kapamilya o di kaya isang kaibigan.

Ngunit lalo akong nalungkot sa narinig kasi, ibig sabihin, kapag sa araw na iyon na ang alis namin, iyon na rin ang araw na mapalayo ako sa kuya ko. O kaya, kung patay na siya, mapapalayo ako sa mga mga lugar kung saan nagsimula ang aming pagmamahalan; sa mga lugar kung saan maraming nakaukit na alalaala naming, mga alaala ko sa kanya. At lalo’t ang pupuntahan kong lugar, ang Amerika ay hindi ko pa napuntahan sa tanang buhay ko; isang lugar na walang kinalaman o sa mga alaala namin ng kuya ko. Dagdagan pa na hanggang sa isip at pandinig ko lang ang lahat... Parang walang kabuluhan ang lahat.

Hindi ko napigilan ang hindi mapaiyak. At kagaya ng pag-iiyak ko simula noong nasa ganoong kalagayan ako, umiiyak ako ng tahimik na sarili ko lang ang tanging nakakaalam sa hinagpis ng aking damdamin.

Nasa ganoong takbo ang aking pag-iisip noong biglang nagsisigaw ang nurse, “Ay! Ma’am Helen! Ma’am Helen! Tingnan niyo po! Tingnan niyo po! Umiiyak po si Enzo! Umiiyak siya!”

Narinig ko ang palapit na mga yapak mama. “Oo nga! Umiiyak ang anak ko! Bakit siya umiiyak? May ginalaw ka ba? Nasaktan mo ba siya?”

“Hindi po ma’am. Sinabihan ko lang siya na aalis na siya patungong Amerika upang doon na ituloy ang pagpapagamot sa kanya. At hayun, nakita kong dumaloy ang mga luha niya palabas sa bandage na nakatakip sa kanyang mata at bumagsak sa kanyang unan.”

“Nurse... ibig sabihin nito, nakakarinig ang anak ko?”

“Sa tingin ko po, ma’am. Nakakarinig siya sa atin.”

At sumampa na si mama sa aking kama at kinausap ako. “Anak, huwag kang mag-alala, sasamahan kita papuntang Amerika. Gagaling ka doon anak. Huwag kang malungkot ha? Nandito lang ako palagi...” iyon lang ang sinabi ni mama. Ni hindi man lang nagbanggit kung nasaan si Kuya Erwin o kng sasama bas a akin. Marahil ay ayaw niyang masaktan ako kaya iyon lang ang sinabi niya.

Maya-maya, narinig ko naman ang boses ni papa. “Tuloy na talaga kayo?” ang tanong kaagad ni papa.

“Oo tuloy na kami. Anong balita na kay Erwin?” Iyon lang ang narinig ko. At parang narinig kong bumukas ang pinto. Marahil ay dinala ni mama si papa sa labas ng kuwarto, biglang naisip na nakakarinig na pala ako at natakot na maaaring bad news ang sasabihin ni papa at makarating ito sa aking tenga.

Maya-maya, narinig kong bumukas uli ang pinto ng kuwarto at naramdamn kong may humawak sa aking kamay. “Anak, nariringig mo raw kami, sabi ng mama mo. Pupunta ka ng Amerika at magpagaling ka doon ha? At huwag kang mag-alala sa amin dito... Kapag magaling ka na doon, pupuntahan ka kaagad namin ng kuya Erwin mo ha? Kaya magpagaling ka. Mahal na mahal ka namin ng mama mo...”

Iyon lang din ang sabi ni papa. Parang scripted lahat ang mga sinabi nila. Walang binanggit tungkol kay kuya Erwin. At naramdamn ko ang kanyang halik sa aking pisngi.

Kaya lalong naguluhan ako kung bakit hindi nila binanggit sa akin si kuya samantalang dinalaw naman ako ni kuya sa ospital.

Pinilit ko pa ring igalaw ang aking daliri upang makita nila ang isinukbit doon ni kuya na singsing at mag-isip sila kung paano napunta ito doon.

Ngunit pati si papa ay hindi rin ito napansin. Lalo lamang akong nakaramdam ng pagkadismaya... Lalo tuloy lumakas ang masamang inisip ko na wala talagang singsing na isinuot si kuya dahil multo na lang niya ang dumalaw sa akin.

Maya-maya, naramdaman ko naman ang maraming mga yapak papasok sa kuwarto at tila mga kabataang nagbubulungan. Mga kaklase ko pala at nagpaalam sa akin, nag well-wish sa paggaling ko.

“Enzo, mahal ka namin, magpagaling ka doon ha? Hihintayin ka ng buong barkada sa pagbalik mo...” sabi ng isang kaibigan ko.

“Enzo... tol, pagaling ka, lagi ka naming ipagdarasal.” Sabi naman ng isa ko pang barakada.

Hindi ko na mabilang silang lahat na nagwell-wish sa akin at ang iba ay humawak din sa aking kamay. Ngunit kahit ni isa sa kanila ay wala ring nakapansin sa singsing...

Nasa himpapawid na ang eroplano, sa narinig kong mga pag-uusap nila, apat kaming lahat ang nandoon sa isang suite na sadyang binayaran ng aking biological na ina at ng kanyang asawa upang maging private para sa amin.

“Helen, pwede bang kausapin ko si Enzo?” ang pakiusap ng biological kong ina, pakisuyo niya upang maiwan kaming dalawa lang.

“S-sige” Ang sagot ni mama.

Noong marahil ay kami na lang dalawa ang natira. “Enzo... patawarin mo ako anak. Napakalaki ng pagkakasala ko sa inyo ng kuya mo dahil sa ginawa kong pagpamigay sa inyo. At heto ngayon, ako pa ang naging sanhi ng iyong pagkaaksidente. Sobrang guilt ang naramdaman ko sa sarili anak. Pakiwari ko ay dalawang beses ko kayong pinatay – una, noong ipinamigay kita at ang pangalawa ay ngayon, sa iyong pagkaaksidente. Pakiramdam ko ay napakawalang-kwenta kong ina. Ngunit sana ay maintindihan mo ako anak... Noong mapagdesisyonan kong ipamigay ko kayo, hirap na hirap na ako sa ating kalagayan. Hindi ko alam ang aking gagawin sa mga panahong iyon. Kaya iyon lang naisip kong paraan upang guminhawa ang buhay ninyong magkapatid. Tanggap ko naman na ako ang may kasalanan ng lahat. Ngunit sa mga panahong iyon, iyon lang ang paraan upang maisalba ko kayo. Kasi...”

Napahinto siya ng sandali, marahil ay nagpapahid ng luha o humugot ng lakas upang ipagpatuloy ang kanyang kuwento. Nanatili lang akong nakinig.

“K-kasi... ngayon ko lang sasabihin ito... noong mga panahong hirap na hirap na ako sa pagtaguyod sa inyo, ang dala kong pagkain para sa inyo ay minsan pinupulot ko na lang sa basurahan...” At tuluyan na siyang humagulgol. “Bago namatay ang lola mo at nalaman niyang nagbenta ako ng aliw, pinayuhan niya akong ihinto na iyon dahil hindi daw maganda para sa isang inang makita ng kanyang mga anak ang ganoong klaseng trabaho. Sabi niya, na kahit siya nasa malubhang kalagayan, mas nanaisin pa niyang mamatay na kaagad, huwag lang madungisan ang aking dangal. Tinalikuran ko nga ang trabahong iyon, ngunit hindi ako pinalad na makahanap ng trabaho gawa ng hindi naman ako nakatapos ng pag-aaral... Sa bawat pagpapakain ko sa inyo ng tira-tirang pagkain, mistulang tinadtadtad ang aking puso. Naawa ako sa inyo. Kaya ko naisipan ang lahat anak. Naawa ako para sa kinabukasan ninyo ng kuya mo. Natakot akong baka isang araw ay magkasakit ang sinu man sa atin at... mamatay na lang sa tabi-tabi gawa ng kawalan ng perang pambili ng gamot. Hindi ko na hinintay pang darating ang araw na iyon anak kaya... nagawa kong ipamigay kayo. Masakit anak... napakasakit para sa isang ina na makitang ang kanyang anak ay nasa piling ng iba. Ngunit tiniis ko ang lahat kasi, sa paraan na iyon lang kayo makakapagaral, makakain ng masarap, sagana sa lahat...

Napaiyak ako sa narinig kong kuwento ng aking ina. Doon ko narealize na mahal na mahal pala ako ng aking biological na ina, na ginawa niya ang lahat upang mabigyan ako at ang kuya Zach ng magandang bukas.

“Alam mo anak, ngayon ko rin narealize na hindi pala talaga lahat ng bagay ay kayang bilhin ng pera. Noong mahirap pa tayo, pinangarap kong magkaroon ng pera. Ang buong akala ko ay kapag nasa iyo ang maraming pera, masaya ka na dahil nasa iyo na ang lahat. Ngunit hindi rin pala. Kagaya ngayon, may pera na tayo, wala namang silbi ito sa karamdaman ng kuya mo. Matindi ang karamdaman niya. Naghihirap siya ngayon. At hindi kayang bilhin ng salapi ang gamot sa kanyang karamdaman. Ikaw, kaya naming tustusan ang lahat ng gastusin mo sa ospital, ngunit hindi kayang bilhin nito ang gamot sa iyong pagdurusa... Sana kung hindi ko na lang kayo ipinaampon, kahit naghihirap tayo, buo naman. Baka mas masaya pa tayo. Nakatira sa barong-barong ngunit hindi tayo naghihiwalay. Ewan... sadyang matalinghaga ang buhay. At huli na ang pagsisisi...”

Tahimik. Mistulang nahimasmasan na siya sa pagpalabas ng kanyang saloobin.

“M-ahal na mahal kita anak... Alam mo, kapag bumuti na ang iyong kalagayan, gagawin ko ang lahat ng makakaya ko upang lumigaya ka. Kahit ano ang hilingin mo anak, basta ikaliligaya mo, ibibigay ko. Pangako ko iyan sa iyo.”

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment