Wednesday, August 22, 2012

SI UTOL ANG CHATMATE KO - Part 3


Dali-daling lumapit sa laptop ko si kuya at sinilip ang screen. “Anong nangyari?” Tanong niya.

“E… nagmessage kasi ako sa kanya habang nagsasayaw ka doon” ang pag-explain ko sa kanya.

Noong marinig ang sinabi kong iyon, bigla na naman akong binatukan. “Tanga ka kasi…” sabay balik sa upuan niya, halatang nagmamaktol sa pagkapurnada ang gimik niya.

Syempre, ano pa ba ang magagawa ko kungdi ang kamutin ang ulong nasapak. Katangahan ko rin naman kasi. Kaso nga, sobrang panghinayang ko sa biglang pag log out ni Zach, kinabahan na baka hindi ko na uli siya maka-chat. Hirap pala nang ma-inlove! Grabeh. Noon lang ako nakaranas ng ganoon.

“Makaalis na nga!” ang sambit ni Kuya.

Parang wala na akong napansin pa sa sinabi at pag-alis ni Kuya sa kwarto ko. Magkahalong inis sa sarili, takot, lungkot ang naramdaman. Pakiramdam ko nanginig ang kalamnan ko at di maintindihan kung iiyak o i-umpog ang ulo sa semento.Tiningnan ko sa list ko kung nandoon pa rin ang YM ni Zach. Ngunit wala na rin ito, dinelete na rin niya ako. “Arggghhh!” sigaw ko sa sarili.

Buti na lang na memorize ko ang YM niya kaya nagsend ako ng message sa kanya. “Zach, sorry naman o… Bigla kasing pumasok yung makulit kong kapatid at pinakialaman ang laptop ko…” ang sumagi sa utak kong alibi. At ewan ko rin ba kung bakit iyon ang pumasok sa utak ko. Ss sobrang pagkadesperado ko na nga talaga.

Naghintay ako. Walang sumagot. Naghintay pa rin ako, nagbakasakaling sumagot siya ngunit nakatulog na lang ako sa mesa kaharap ng laptop, wala pa rig sagot ang message ko.

Syempre, lungkot na lungkot ako. Isang buong lingo ang nakaraan at araw-araw ko siyang mini-message, at ganoong alibi ang ginamit ko. Dahil sa sobrang lungkot, lagi na lang akong nagmumukmok sa kwarto, nag-iiyak, hindi na halos kumakain, walang ganang makipag-usap, tulala.

Napansin ito ng kuya ko, lalo na ang pangangayayat ko. At dahil na rin siguro sa awa, kinausap niya ako. At syempre, kagaya ng ibang Kuya, sa akin din ang bagsak ng lahat ng sisi. “Ikaw kasi, tanga! Naki kuntsaba na nga ako sa kagaguhan mo, sinira mo naman.”

“Hindi ko naman sinadya iyon Kuya… Parang mamatay na ako kuya sa sobrang lungkot!”

“Tanga! Hayaan mo, sasagutin ka rin noon.” Sabi niya.

“Paano na lang kuya kung hindi?”

“Ay… kadaming isda sa mundo! Gusto mo ng tilapia? Gusto mo ng talakitok? Gusto mo ng isdang bato? E, di maghanap ka! Mahirap ba yan? Huwag mong sirain ang buhay mo nang dahil lang sa isang babae… Kalimutan mo siya! Hindi siya nababagay sa iyo.” Ang payo niya na para bang napakadaling gawin, palibhasa, playboy.

Kinbahan na naman ako ng konti sa pagkarinig ng salitan “babae”. Syempre, lalaki iyon si Zach. “T-tulungan mo ako Kuya please…” ang nasambit ko na lang.

“Oo tulungan kita.” Sagot niya.

“Promise?” paniniguro ko.

“Tangina! Kailan ba kita hindi tinulungan. Kahit ganyan ka ka-kulit…” hindi na itinuloy pa niya ang sasabihin. Alam niyang alam ko ang ibig niyang ipahiwatig. Ramdam ko naman kasing mahal ako ng kuya ko eh, kahit palagi ko itong inaaway. 

Gi-give up na sana ako sa pangungulit ko kay Zach noong isang gabing binuksan ko ang laptop ko, may message akong nabasa sa YM. Galing sa kanya! “May email ako sa iyo, check it and prove what you’ve said to me.” 

Mistulang matatae naman ako sa sobrang excitement sa nabasa, nanginginig at nakakabingi ang kalampag ng dibdib. 

Binuksan ko kaagad ang email ko at may message nga siya. “Magkita tayo ngayong darating na Byernes. Dalhin mo ang sinabi mong kapatid mong sabi mong makulit at nakikialam sa laptop mo, to prove na seryoso ka sa sinabi mong paliwanag. Alas 6 ng gabi, sa isang sea foods restaurant sa may pier.”

“Patay na!” Ang sigaw ko sa sarili. Alam ko ang seafood resto at lugar na iyon. Cowboy ang sistema dun, masarap ang barbecue na manok, kamayan, at pwedeng mag inuman. Ang problema lang ay kung papaano kukumbinsihin si Kuya na sumama kapag nalaman niyang lalaki pala ang ka-chatmate ko. “Ah, bahala na!” Sabi ko sa sarili.

Agad-agad kong pinuntahan sa kwarto niya si Kuya at kinausap.

“Kuya! Sumagot na ang ka chatmate ko?”

“Ha!” ang sabi niyang nagulat at natuwa na rin. “Anong sabi?”

“Makipagkita daw siya sa akin, sa iyo pala, at dalhin ko daw ang kapatid kong nangungulit sa pagchat na ako pala.” Ang sabi ko.

“Anong sabi mo?” sagot naman ni Kuya na naguguluhan.

Kaya ipinaliwanag ko sa kanya na ang ginawa kong dahilan ay habang nakikipagchat siya sa “babae” niya at nagsasayaw na, biglang pumasok ang kapatid niya, na ako, at kinulit ang keyboard, kaya ganoon ang lumabas, na may message kahit na nagsasayaw pa siya malayo sa keyboard. “Payag ka Kuya?” tanong ko.

“Anong araw ba?” tanong niya.

“Byernes Kuya, mga alas 6 ng gabi.”

“Shittttt!” Expression ni kuya. “Badtrip naman iyang schedule mo! E date namin iyan ni Lani e!”

Mistula namang binuhusan ako ng isang drum na malamig na tubig at kasamang lumanding sa ulo ko ang drum. Alam ko mahirap kontrahin kapag date na niya kay Lani ang pag-uusapan. Sa lahat kasi ng kasalukuyang girlfriend ni Kuya, kay Lani siya patay na patay at takot na takot. Patay na patay yata siya sa babaeng iyon e. Kaya babagyo man, lilindol o babaha, sigurado ako, on time pa ring makakarating si kuya sa venue ng date nila, kahit n pati ang venue mismo ay binaha, gumuho, o tinamaan ng kidlat.

“Kuya… i-postpone mo na lang ang date mo kay Lani!” sambit, nagbakasakaling pagbigyan kahit alam ko na ang sagot.

“Ano ka? Lahat tol pwedeng i-postpone huwag lang ang date kay Lani, ano ka ba?”

Bakat sa mukha ko ang sobrang pagkadisappoint sa narinig kay Kuya. Nakakalungkot, syempre at hindi ko rin alam kung ano na naman ang iaalibi ko kay Zach. “Kuya naman eh…” ang nasambit ko na lang.

“E, kung gusto mo, sa ibang araw na lang. Sabihin mo sa babaeng iyan na may emergency, o kaya, na magkakasakit ka sa Biyernes.”

“Kuya naman eh. Hindi nakakatawa no!” ang pagdadabog ko sabay walk out.

Ngunit hindi ko pa rin binawa ang schedule ko kay Zach. Iyon bang takot na kung sasabihin kong hindi kami matutuloy ay bigla na naman siyang mawala. “Arrrgggggghhhhh!” Sigaw ng utak ko, hindi malaman ang gagawin.

Habang papalapit ang nakatakdang araw ay lalo akong naging tensiyonado. Panay pa rin ang pakiusap ko kay Kuya ngunit talagang hindi daw pupwede at wala daw apgbabago sa kanilang date ni Lani.

Hanggang sa dumating ang araw ng Byernes. Balisang-balisa na ang utak ko, hindi malaman kung ano ang gagawin. Lumipas ang alas dos ng hapon, alas tres, alas kwatro… At namalayan ko na lang ang sariling nagmadaling naghahalungkat ng maisusuot at lumabas na ng bahay at sumakay ng tricycle patungo sa lugar kung saan namin napagkasunduan ni Zach na magkita. “Bahala na!” sambit ko sa sarili.

5:45 nandoon na ako sa mismong restaurant. Di ko lubusang maisalarawn ang tindi ng kabang naramdaman. Syempre, first time kong makita ang crush ny buhay ko in person at hindi ko rin alam kung sasapakin niya ako kung malaman niyang ang ka-chatmate niyang inaakala ay hindi makakarating. So ang ginawa ko, umurder kaagad ako ng beer, tatlo para kapag dumating na ang pinakahihintay kong si Zach ay malakas na ang loob ko at handa na ang sarili kung ano man ang mangyayari. Kaya noong idinilever na ang beer, lagok, lagok, lagok pa. 

Eksaktong alas 6 na at naubos ko na rin ang beer. Med’yo umiikot na ang paningin ko bagamat handa na ako sa kung ano man ang mangyari.

Maya-maya, heto at may pumasok na kamukhang-kamukha ni Zach. “Waaahhhh! Ang wafu niya sa personal! Shiiitttt!” sigaw ng utak ko. Naka staright-cut na faded black jeans, puting body-fit t-shirt na may blue and yello stripes sa balikat, ang harapang dulo nito ay sinandyang isiniksik sa ilalim ng pantalon, ipinalabas ang buckle ng kanyang sinturon na siyang nagpalitaw sa umbok ng kanyang harapan. “Arrgggghh! Hayop sa porma!” Pakiramdam ko ay naglulundag ang puso ko sa pagkakita sa kanya sa ganoon ka guwapong porma. Daig pa niya ang mga modelo sa kanyang anyo. 

Habang nakatayo siya sa may pintuan, kitang-kita ko naman na iniikot ng paningin niya ang kabuuan ng loob ng restaurant. Alam ko, mukha ni kuya ang hinahanap niya.

Kumaway ako. Kaway, kaway, kaway. 

Aba, hindi ako pinansin. Tingin ng tingin pa rin siya sa paligid. Lalo tuloy akong kinabahan. 

Maya-maya, pumasok na siya sa restaurant, marahil ay naisip na wala pa ang hinihintay niya at magreserve na lang ng table. Nakita kong sa direksyon ko ang tumbok niya. “Arrggghhh!” Sigaw ng utak ko. “Bahala na!” 

At noong makadaan na siya sa mesa ko, bigla akong tumayo, at, “Z-zach???” ang sambit ko sa kanya. 

“Yeah?” ang sagot naman niya, halata sa mukha ang labis na pagkabigla, ang mga mata ay seryosong nakatingin sa mukha ko kinikilatis ito nang maigi at halos sasabihin na lang na “Kilala ba kita?”

“P-pwedeng umupo ka dito?” ang sambit ko, itinuro ang bakanting upuan paharap sa akin sa mismo ding mesa.

“Me? Why?” 

“Englisero talaga” sa isip ko lang. “Hinahanap mo si Kuya Enzo, di ba?”

“Yeah? Bakit? Where’s he?” ang tanong niya kaagad.

“May sakit po si Kuya kaya di siya makapunta” ang sabi ko. Ito na lang kasi ang pumsok sa isip kong alibi.

“Ah…” ang naisagot niya, bakas sa mukha ang pagka disappoint. Hinila niya ang upuang nireserve ko para sa kanya at naupo dito. “He’s ill? Of what?” ang tanong niya.

“A.. e… kagabi pa siya nilalagnat eh. At hayun… hanggang nagyon ay hindi pa makatayo, hindi makakain, nagsusuka, nahihilo.”

“Hindi ba dinala sa ospital?”

“Baka kapag hindi pa siya gumaling haggang bukas, dadalhin na po…” Pino-po ko pa talaga siya. 

“Ah… Ok. Say my regards to him na lang. I’ll pm him too.” Ang sabi niya at akmang tatayo na.

Syempre, gusto ko pa siyang magtagal kaya, “Aalis ka na?” ang tanong ko, ipinahalata na nabitin ako sa kanya.

“Oo. Bakit?” tanong naman niya.

“E… k-kung gusto mo, tayo na lang mag-usap.” Ako man ay nabigla rin sa nasabi ko, hindi makapaiwalang ang isang “demure” at mahiyaing katulad ko ay makapagpropose ng ganoon. Iyon bang feeling na matinding hiya bagamat gusto mo ring huwag siyang umalis pero di mo kayang sabihihing “huwag ka munang umalis”. Pero… nasabi ko rin ito! Waahhh! Ganyan ako ka desperado.

Kitang-kita ko naman sa mga mata niya ang pag-aagam-agam samantalang ramdam ko naman ang pamumula ng aking face sa matinding hiya sa nabitiwang salita. Tinitigan niya ang mukha ko, nag-isip, kinagat-kagat ang labi.

“Syeettt!” Sigaw ng utak ko, mistulang kinukorot-kurot ang singit ko sa pagkakatitig niya sa akin. “Ang ganda ng kanyang mukha, ang ganda ng kangyang mga mata na pakiwari ko ay nangungusap, ang ganda ng kanyang mga pulang labi! Ang gwapo gwapo talag ng kumag!” sambit ng utak kong heaven na heaven. Syempre, napansin ko ang mga iyon kahit na iniiwasan ko kunyari ang mga tingin niya dahil sa sobrang kaba at guilt sa kasinungalingang ginawa at hiya na rin dahil may pagnanasa ako sa kanya.

“Hmmm… Ok. Why not?” ang naisagot niya.

Ramdam ko naman ang paglulundag ng aking puso at mistulang narinig ko pa ang sobrang lakas ng pagtibok nito na ang tunog ay “Zach-Zach- Zach-Zach- Zach-Zach- Zach-Zach- Zach-Zach- Zach-Zach- Zach-Zach!!!” Grabe mga ateng! Parang nahirapan akong huminga. “Thank you po!” ang nasambit ko hindi masukat ang sobrang kagalakan sa narinig na sagot niya.

So iyon. Umupo muli siya at kinawayan ang waiter na noong lumapit ay nag-order siya ng 4 na beer at barbeque na manok at steak para sa aming dalawa. 

“Mukhang umiinom ka na ah!” ang tanong niya. “alam ban g kuya mo na umiinom ka na?”

“Opo…”

“Ilang taon ka na ba?”

“Fifteen po.”

“Ah… 19 na ako. Pero kahit na, Huwag mo akong popo-in. Zach na lang.” ang sabi niya at napahinto sandali, tiningnan uli ako. “O kung gusto mo, kuya.”

“Pati edad pal pareho sila ni Kuya. Waahhhhh! Type!” sigaw ko sa sarili. “S-sige! Kuya Zach na lang ang itatawag ko sa iyo.”

Ngumiti siya sabay sabing, “Good!” 

“Syeetttttttt! Pamatay ang ngiti ng kumag. Kitang-kita ang pantay at mapuputing mga ngipin, ang mga kissable na mga labi, ang dimples. Wooaaahhhh!” sigaw ko sa sarili. 

Tahimik.

Dumating ang inorder niyang pagkain at ang beer. Kumain kami na walang imikan, tahimik lang na mistulang inaalala namin ang mga namatay sa bagyong Ondoy. Marahil ay gutom na gutom lang din naman siya. 

Anyway, nasa ganoon kaming eksena noong biglang may nagsalita sa harap ng ko, “Tol! Andito ka rin? Akala ko ba ay wala kang lakad ngayon!” 

Sa pagkarinig sa boses, tarantang inangat ko ang mukha ko at tiningnan ang nagsalita. At pakiwari ko ay may pumutok na rebentador sa aking mukha at nawalan ako na ulirat noong makitang si Kuya pala ang nakatayo sa harap ko, kasama ang kanyang girlfriend na si Lani!

Napatingin si Zach kay Kuya samantalang si Kuya naman ay napatingin din kay Zach. Nagkasalubong ang kanilang mga tingin. Nagtitigan sila.

Alam ko, ang titig ni Zach ay may dalang pagkalito at katanungan kung ang taong nakita niya ba ay ang siyang chatmate niya; samantalang ang titig naman ni Kuya ay nagtatanong kung bakit isang lalaki, at gwapo pa ang ka date ko.

(Itutuloy)

1 comment:

  1. If you want your ex-girlfriend or ex-boyfriend to come crawling back to you on their knees (no matter why you broke up) you need to watch this video
    right away...

    (VIDEO) Get your ex CRAWLING back to you...?

    ReplyDelete