Nakarating din kami sa Amerika. Bagamat naiibang lugar ito, nakikita sa
mga litrato at nabibisita lamang sa internet at maraming magaganda at
historical na lugar, hindi ko maramdaman ang halaga ng pagkapunta ko
doon. Una, wala ang kuya ko, pangalawa, wala naman akong nakikita sa
paligid, at pangatlo, baka sa lugar na iyon na rin ako mamamatay.
“Anak... kapag magaling ka na, iikutin natin ang lahat ng mga
magagandang lugar dito sa Amerika!” Ang sabi ni mama ang tono ay may
dalang pang-eenganyo. Ngunit alam ko, pinapalakas lang niya ang aking
loob.
Noong makarating na kami sa ospital, ramdam ko ang kawalan pa rin ng
pag-asang may magagawa sila sa aking kalagayan. Kung anu-anong mga tests
ang ginawa sa katawan ko na pakiwari ko ay pinaglalaruan na lamang,
ginawang parang espesimen, pang-eksperimento. CT-scan, MRI, X-ray, kuha
ng dugo, injections...
Pero wala akong magagawa. Hindi na nga ako makagalaw, hindi makakita,
hindi pa makapagsalita. Kaya’t bagamat tumututol ang aking kalooban,
hindi ko naman maiparating sa kanila ang aking pagtutol. Ganyan pala
siguro ang naramdaman ng maraming pasyenteng nasa comatose stage. Kahit
gusto na nilang mag-give up sa buhay dahil sa hirap na ng kalagayan,
kawalang pag-asa at awa na rin sa mga nagsasakripisyong nagmamahal,
wala silang magagawa dahil ang mga nagmahal sa kanila ay ayaw pa ring
bumitiw.
Hanggang sa narinig kong may gagawin daw silang operasyon sa aking utak.
Ang sabi ay maselan ito at tatagal ng hanggang sampung oras o mahigit
pa. May mga risks din ito kagaya ng baka daw manatili akong comatose
sa buong buhay ko, o magreresulta ito sa pagkaparalisado ng ibang mga
parte ng aking katawan, o... ang matindi, baka ito na ang ikamatay
ko. Ngunit may chance din daw na maging successful ito at iyan ang
pilit nilang kamtin para sa akin.
At nangyari ang operasyon.
Hindi ko alam kung gaano katagal ito ngunit noong magising ako,
pakiramdam ko ay mistulang walang nagbago. Ganoon pa rin ang pakiramdam
ko, nakakarinig ngunit hindi ko maramdaman ang aking katawan. Parang
nanghinayang tuloy ako kung bakit hindi pa ako namatay sa paggagalaw
nila sa aking utak. Habang hindi ko kasi nakikita ang kuya Erwin ko,
parang ayoko nang gumaling pa. Parang walang kabuluhan ang lahat. Lalo
na kapag nalaman kong patay na pala siya, mas gugustuhin ko pang
magsama na lang kami sa kabilang buhay.
Lumipas ang isang araw, tatlong araw, apat, limang araw simula noong
magising ako pagkatapos ng operasyon, palagi nang may physical therapy
session ako. At isang araw, habang pinisil-pisil ng duktor ang aking
kamay. “Enzo... try to move your right hand if you can hear me. Just do
it...”
Syempre nagulat ako. Ganyan ba siya ka-confident upang utusan niya ako
ng ganoon. Ako ang may-ari ng katawan kaya alam kong hindi ko magagawa
iyon. Kasi, manhid ang aking pakiramdam, parang isa lang akong
kaluluwang nabilanggo sa isang bungo.
Bagamat hindi ako bilib sa sinabi niya, sinubukan ko pa ring iusog ang
kamay kong hindi ko nga alam kung saan nakalatag at anong posisyon.
“Ummpphhhh!” sa isip ko lang.
Ngunit laking pagtaka ko noong, “See that?” ang tanong ng duktor.
At laking gulat ko noong bigla silang nagpalakpakan at dinig ko pa ang boses ng dalawa kong ina na nagsisigaw sa sobrang tuwa.
Syempre, bigla din akong nabuhayan ng loob sa pagkarinig sa sobrang tuwa
nila. Para bang, “Wow, ako gusto nang mag-give up sa buhay ngunit
sila, ayaw nila akong bitawan. Ganyan nila ako kamahal?”
“Ok excellent job, Enzo! Now your left hand...”
At muli, sinubukan kong igalaw ang aking kaliwang kamay.
“Excellent!” sambit uli ng duktor.
At muli kong narinig ang mga palakpakan ng mga nurse at ng dalawa kong ina.
“Ok now, let us hear your voice, Enzo. Come on, you can make it. Even just a sound...” utos uli ng duktor.
Dahil sa naunang hindi ko inaasahang magawa ko pala, mas naengganyo pa
akong subukan ang pagpalabas ng boses. Nahirapan man gawa ng may
ikinabit pa silang tube sa aking ilong, pinilit kong gumawa ng tinig. At ako man ay nagulat noong nagawa kong umungol. “Uhhhhhmmmmmm!”
Narinig kong nagpalakpakan uli sila, naghiyawan. At naramdaman ko na
lang ang paglapit ng aking mga ina, niyakap ako at hinalikan ang aking
pisngi. Damang-dama ko ang sobrang kagalakan nila sa animoy malaking
pag-asang gagaling pa ako.
“He’s on his way to recovery. He will continue to undergo physical
therapy and his psycho-motor functions should be gradually restored,
although we may not know how far. But let’s wait and see... Enzo is a
very strong boy and he has all the potentials and energy to recover
fully.” ang sabi ng duktor.
“H-how about his eyes doctor?” tanong ni mama.
“Ah, we will discuss about it later... with the eye specialist and
surgeon.” Ang sagot ng duktor. At narinig ko na lang ang mga yapak
niyang palabas ng aking kuwarto.
Walang mapagsidlan ng tuwa ang dalawa kong mga inay sa matagumpay na opersyon.
At sa sumunod na mga araw, lalo pang bumuti ang aking kalagayan.
Nakakaupo na ako at nakakapagsalita kahit medyo pautal-utal pa. Pakiwari
ko ay wala akong kuntrol sa aking bibig. Ganoon din sa aking mga
bisig at paa. Marahil ay may mga nerves doon na nasira at kailangan
lang na maabot ng normal na circulation ng dugo at ma-massage upang
manumbalik ang pagkontrol ng aking utak sa functions ng mga ito.
Wala pa ring balita tungkol kay kuya Erwin.
May dalawang linggo pa ang lumipas at halos kaya ko nang tumayong
mag-isa at med’yo deretso na rin ang aking pagsasalita. Nakapaglalakad
na ako at ipinapasyal-pasyal ng aking nurse at ng aking mga ina sa loob
ospital.
Kahit papaano, may naramdamn din akong sigla bagamat ang mukha ni kuya Erwin ang palaging sumisiksik sa aking utak.
Hanggang sa pagdaan pa ng ilang araw nanumbalik na ang confidence ko sa
sariling tumayo, kumilos, maglakad na mag-isa. Pakiwari ko ay
na-regain ko na ang pagkontrol ng utak ko sa aking motor functions sa
katawan. Bumilib sa akin ang duktor na gumamot sa akin at ang physical therapist ko sa bilis ng aking paggaling. Mistulang isang milagro daw ang pagrecover ko.
Halos kumpleto na sana ang lahat maliban sa aking mga mata. Bulag pa rin
akong matatawag. At bagamat ang sabi ng duktor ay may pag-asa pa ito
kapag na-operahan, wala naman silang sinabing kailan. Marahil ay
pinapalakas lamang nila ang aking loob upang maging positive ako sa
kabila na baka hindi na puweding maibalik pa ang aking paningin. Kasi ba
naman, ang sabi nila sa akin ay maghintay lang daw ako. At hindi ko
rin lubos maintindihan ang aking naramdaman. Bagamat sa likod ng aking
isip ay may pagnanais pa rin akong sana ay manumbalik ang aking
pangingin, parang wala akong masyadong excitement na naramdman sa
sinabi nilang may pag-asa pang makakita ako muli. Wala pa kasi akong
balita kay kuya Erwin. Parang napagod na ako. Walang kahulugan ang
lahat...
Sa araw ding iyon, nakatanggap ang biological kong inay ng tawag galing
sa daddy ni kuya Zach. Nasa Amerika na rin pala sila, bagamat nauna
lang ang pagdating ko ng mga ilang araw.
Naawa ako sa aking ina dahil dinig na dinig ko ang pag-iiyak niya at
pagmamakaawa na makita si kuya Zach. Nungit hindi ko na nalaman pa kung
ano ang mga pinag-uusapan nila gawa nang parang lumabas siya ng
kuwarto. Maaring iniiwasan lang niyang marinig ko ang pag-iyak niya o
ba inaaway niya ang daddy ni kuya Zach at ayaw niyang ma-upset akong
lalo.
Maya-maya, bumalik siya sa kuwarto at kinausap ako. “Anak... pumayag na
ang daddy ng kuya mo na bisitahin natin siya. Hindi naman kalayuan
dito ang ospital. Alam mo... hiniling ng kuya Zach mo na makita ka
niya. Nagkausap na rin kami ng kuya mo, anak...”
“Talaga po? Kailan po tayo pupunta sa kanya?”
“Bukas anak... kaya ihanda mo ang sarili mo ha?”
May dalawang oras sigurong biyahe bago namin narating ang ospital kung
saan naroon si kuya Zach. Ako, si mama, ang aking biological na ina at
ang kanyang asawang Amerikano, driver nila at isang nurse na nag-alaga
sa akin ang sumama.
Noong pumarada na an gaming sinakyan, inilabas naman nila ang wheelchair
na upuan ko. Tulak-tulak ng aking nurse, nagsalita ang aking
biological na ina, “Nandito na tayo anak, nasa room 206 daw ang kuya
mo...” halata sa boses ang sobrang excitement at nagmamadali.
At maya-maya lang ay may sumalubong. “Mabuti naman at dumating na
kayo...” nabosesan ko ang taong nagsalita. Ang daddy ni kuya Zach.
“Dapat noon pa kami nakarating! Bakit mo ba itinatago ang anak ko?”
“Huwag na tayong mag-away Martha. May dahilan ako kung bakit ko ginawa ang lahat.”
“Ah ganoon... at isa sa mga dahilan ay huwag ipakita sa akin ang aking anak, ganoon ba?”
“Ayokong lalo lamang siyang malungkot at lalala pa ang kanyang kalagayan kapag palagi ka niyang nakikita.”
“Iba rin talaga ang takbo ng utak ng mga militar ano? Sadista! Bakit
lalo siyang malungkot? Di ba alam na niyang inampon mo lamang siya at
kaya isa ito sa mga dahilan kung kaya gusto na niyang wakasan ang buhay
niya? Paano siya maging malungkot niyan kung makita ako? Nanay niya
ako! Napaka-selfish mo!”
“Hindi mo naintindihan...”
“Oo. Hindi ko naintindihan dahil hindi mo ipinaliwanag sa akin!”
“Ma... gusto ko na pong makausap si kuya.” Ang pagsingit ko na lang upang huwag lumaki pa ang kanilang pag-aargumento.
“S-sige anak.” Ang sagot ng biological kong ina. At narinig kong may pintuan na bumukas.
Pumasok kami.
Noong huminto, ang sunod kong narinig ay, “Zach, anak...” ang sambit ng biological kong ina.
“K-kayo pala ang aking ina. Masaya po akong nakita kayo...” ang narinig
kong sagot ni kuya Zach. Pansin kong parang nag-iba ng kaunti ang
tunog ng boses niya. Parang nahihirapan, malungkot, at ibang-iba kaysa
dating sigla niya kapag nagsasalita.
“Oo. Ako, anak... At masayang-masaya din ako na sa wakas, nakilala mo rin ako.”
Bahagyang natahimik si mama.
“P-patawarin mo ako anak sa mga pagkakasala ko sa inyo ng kapatid mong
si Enzo. Wala na akong ibang choice anak sa mga panahong iyon.
Litong-lito na ang aking isip...”
“Alam ko na po ang lahat ma. Ikinuwento po sa akin ng daddy. At
naintindihan ko po ang lahat. At salamat kasi, kahit papaano, naging
masaya din naman ang buhay ko. Naranasan ko ang mga bagay na gusto mong
maranasan ko. Salamat na kahit masakit sa iyong kalooban, tiniis mo
dahil sa pag-alala mo sa amin. Salamat sa iyong pagmamahal sa amin...”
“Salamat anak sa pag-intindi mo... Kahit papaano, gumaan ang aking pakiramdam ngayong nalaman kong naintindhihan mo ako.”
“Huwag po kayong mag-alala... bagamat sa una ay nasaktan ako, ngunit
noong ipinaliwanag na ito sa akin ng daddy, naintindihan ko po kayo ng
lubos...”
“Salamat anak...”
“K-kaya pala noong minsan nakita ko kayong nag-uusap ni daddy at
napadaan ako sa harap ninyo, bigla ninyo akong tinawag at pinapalapit.
Tapos, noong makalapit na ako, bigla din ninyo akong kinamayan at
niyakap pa.”
“Oo anak. Hindi ko kasi natiis ang sarili ko.”
“Napatingin nga ako kay daddy noon sa sobrang pagkalito. Ngunit
pasikreto din niya akong minuwestrahan na umalis. Kaya dali-dali din
akong kumalas at umalis na bagamat sobra akong nagtaka sa ikinilos
ninyo...”
“Kaya nga anak... Kontrabida talaga iyang daddy mo e... Kahit kailan.”
At narinig ko na silang nagtawanan. Alam ko, panatag na ang kanilang mga
kalooban at naalis na ang lahat ng pangamba, pag-aagam-agam, mga
katanungan, mga sama ng loob...
Maya-maya, ako naman ang itinuro ni mama. “Zach... heto pala ang kapatid mong si Enzo, hiniling mo kasing makita siya, di ba.”
Itinulak ni mama palapit sa kama ni kuya ang wheelchair ko. “K-kuya...?” ang sambit ko.
“Tol... na miss kita.” Ang sambit niya. “Ah, ma... pwede pong maiwan
kaming dalawa lang ni Enzo? Atsaka po, may sasabihin po sa inyo si daddy
tungkol sa aming mga napagkasunduan...” ang sabi ni kuya Zach kay
mama.
“O sige anak... sa labas na lang kami mag-uusap.” At narinig ko ang mga yapak nila palayo.
“K-kuya... ikaw pala ang tunay kong kuya.” Ang sambit ko. “Pasensya ka na kuya na inaway kita dati ah.”
“Ok lang iyon. Ako nga ang dapat manghingi ng paumanhin kasi, ang laki ng kasalanan ko sa iyon eh. Patawarin mo ako ha?”
“Wala na iyon kuya. Hindi kita masisisi eh...” ang sagot ko. Gusto ko pa
sanang idugtong na naintindihan ko ang naramdaman niya noong
hiniwalayan siya ni kuya Erwin kasi naramdaman ko rin iyon sa
pagkakataong iyon na wala na siya. Ngunit hindi ko na sinabi pa iyon.
Napaiyak na lang ako at hindi na nakapagsalita. Naalala ko na naman kasi
si kuya Erwin ko.
Marahil ay nakita niyang dumaloy ang mga luha ko sa aking pisngi,
hinawakan niya ang aking kamay, hinila ang katawan ko sa kama niya
atsaka pilit niya akong niyakap. Huwag ka nang umiyak. Alam ko naman
kung bakit ka umiyak e. Si Erwin, di ba?”
Naiilang man sa tanong, inamin ko rin. “Opo... Sana kuya, gumaling ka
na. Kasi, kayo naman talaga ni kuya ang bagay eh. Syempre, magkapatid
kami. Pareho ang aming apilyedo, iisa ang legal naming mga magulang...
hindi kami pwede.“
Tinapik niya ang aking likod, hinaplos. “Uhummmmm?” ang biro niyang expression. “Huwag na. Hindi na pupuwede...”
“Bakit hindi puwede?” giit ko.
“A basta, huwag na nating pag-usapan iyan. At huwag na huwag ka nang
umiyak. Ampangit kaya kapag umiiyak ang bulag! Hayan o?” biro niya sa
akin.
“Bulag ka d’yan. Palibhasa ang ganda-ganda ng mga mata mo!”
“Talaga? Maganda ang mga mata ko?”
“Oo naman.”
“Paano mo nakita e, bulag ka naman hehehe.” Biro niya na sabay namang binawi, “Biro lang.”
“Kuya naman eh... dati pa kaya noong una kitang maka-chat... nagagandahan na ako sa mga mata mo.”
“Ikaw din naman ah. Cute ka nga eh. Noon pa, nakukyutan na ako sa iyo. Mataray ka nga lang!” Biro pa rin niya.
Natahimik na lang ako. Naalala ko kasi ang masayang pagtagpo ng aming
landas na na-badtrip sa huli dahil sa mga kabulastugan kong pinaggagawa.
Dagdagan pa na binahiran na ito ng matinding pagsiselos. At bigla na
namang pumasok sa isip ko si kuya Erwin. “N-nasaan na kaya si kuya
Erwin kuya?”
“Huwag kang mag-alala... pakiramdam ko ay buhay siya. Pero kung ano man
ang tunay na nangyari sa kanya, tanggapin na lang natin, di ba? Lahat
naman siguro ng mga pangyayari sa buhay ay may dahilan. Kasi, kagaya
ng nangyari sa atin, kung hindi tayo ipinamigay ni mama sa iba, baka
wala na rin tayo sa mundo. Ako nga, tanggap ko na rin kung biglang
mawala ako sa mundong ito, kahit ngayon pa. Kasi, nalaman ko na ang
lahat, nakita na kita at ang tunay kong ina. Kahit papaano, naranasan
ko na ang halos lahat na mga masasarap na bagay sa mundo; ang
makatulog sa malambot na higaan, nakakain ng masasarap na pagkain,
nakapag-aral, naranasan ang pakiramdam na magkaroon ng sariling kotse,
motorsiklo at mga luho. Naranasan ko rin ang tingalain ng mga tao. Di
ba? E, kung hindi tayo ipinamigay ni mama, baka hindi ko naranasan
ang lahat ng mga bagay na iyan. Atsaka din, syempre, naranasan ko na
rin ang masaktan, ang magdusa, ang magalit. Lahat ng emosyon ay
naranasan ko na. Wala na siguro akong mahihiling pa...”
Hindi ako nakaimik.
“Ikaw ba ay tanggap mo ang nagawa ni mama sa atin?” tanong niya.
“Tanggap ko naman po... Noong una, masakit kasi, hindi nila sinabi sa akin. Masama ang loob ko lalo na kay kuya Erwin.”
“Syempre, ayaw nilang mawalay ka sa kanila. Masakit din sa kanila ang ganoon.”
“Kaya nga po kuya...”
“Iyan... dapat ganyan. Handa tayo sa kahit ano man ang mangyari. Kahit
pa kamatayan... kasi, hindi natin hawak ang buhay. Hindi natin alam
mamaya, bukas, sa makalawa, o sa isang linggo o buwan, ay biglang
magwakas ang buhay.”
Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang ipahiwatig sa salitang kamatayan
ngunit hindi ito mahirap na intindihin kasi, naranasan ko na ang
sitwasyong muntik na akong mamatay at sa kalagayn kong bagamat nagkaroon
ng linaw ang tunay kong pagkatao, nawala naman ang kuya Erwin ko. At
sa puntong hindi kami pwedeng maging kami ni kuya Erwin dahil legal
kaming magkapatid, parang wala na ring kabuluhan ang buhay. Parang
kahit anong oras na mamatay ako, pwede na. Kumbaga, hindi lang ako
handa... gusto ko pang mangyari na ito sa akin.
“Alam mo kuya... kung sakaling buhay at makabalik na si kuya Erwin, gusto kong kayo ang magkatuluyan.”
“Hay naku... Nad’yan na naman kami.” Ang sagot ni kuya Zach na
nakulitan. “Tanggap ko naman ang lahat na hindi kami pwede eh. Kaya
hayaan mo nang kayo ang magkatuluyan.”
“Hindi nga kuya pwede e. Ayoko. Gusto ko kayo talaga ang magkatuluyan.”
“O sige, mapilit ka eh. Papayag akong kami ang magklatuluyan pero sa isang kundisyon lang.”
“Ano iyon?”
“Kapang bumalik siya kami ang magkatuluyan. Ngunit kapag hindi naman, sa iyo na siya” sabay tawa.
Napaisip naman ako kung bakit nasabi niya iyon. Alam ba niyang hindi na
babalik si kuya Erwin? Pero bakit nasabi din niyang pakiramdam niya ay
buhay si kuya Erwin? “O ba... Sige, basta sinabi mo iyan ha?
Promise...?” ang naisagot ko na lang.
“Oo. Promise... Iyan ay kung hindi naman ako mawawala kapag bumalik siya.”
“Hah? Bakit ka mawawala?” ang tanong kong lalong naguluhan.
“Malay mo, baka may kikidnap sa akin, o ba kaya ay lalayas ako, hehe.”
“Kuya naman e... Niloloko mo naman ako e...”
Tahimik.
“Alam mo kapag ikinasal ka, gusto ko ako ang best man mo.”
“Wahhhh! Paano iyan? At kanino ako ikakasal?” ang bigla kong pag react.
“Sa taong magmamahal sa iyo, kapag nahanap mo na siya....” ang sabi niya.
Syempre, ang iniisip ko naman sa sinabi niyang salitang “mahanap” ay
ibang tao. Kaya ang naisagot ko na lang ay, “Syempre. Ikaw talaga ang
best man ko! Kayong dalawa ni kuya Erwn kapag bumalik siya at
nmagkatuluyan kayo.” ang isinagot ko. “Pero paano ba ako ikakasal eh,
bawal naman sa atin?” dugtong ko.
“Sa atin bawal pero dito hindi... ang yaman kaya ng ina natin. Atsaka
nasa legal age ka na ah. ilang taon ka na nga pala ngayon?”
“Nineteen na po ako kuya...”
“Ah... 19 ka tapos ang mapangasawa mo ay 23. Puwede na!”
“Kuya naman e. Niloloko ako. Paano mo nalaman ang age niya? Para talagang alam mo ang kapalaran ko.” Sabi kong natawa na rin.
“Wish ko lang iyon para sa iyo...”
Hindi na kao sumagot. Ngunit sa loob-loob ko, isinigaw ng isip ko ang,
“Sana... Sana ay mapalitan na ng pangalan ng taong sinasabi ni kuya
Zach ang pangalan ng taong tunay na isinisigaw ng puso ko.”
Tahimik uli.
“O-ok ka lang ba talaga kuya?” tanong ko.
“Oo naman. Bakit mo naman naitanong iyan?”
“Parang hindi naman halata sa boses mo na ok ka eh. Atsaka narinig kong sabi ni mama, matindi daw ang karamdaman mo.”
“Hindi naman ganyan katindi. Kaya ko pa naman atsaka, magiging ok din
ako. Magagaling kaya ang mga duktor ditto. Basta ikaw, magpagaling ka
kasi, kapag nanumbalik na ang paningin mo, sasamahan kitang mamasyal sa
mga magagandang tanawin dito sa Amerika. Pupuntahan natin ang mga
lugar na napuntahan ko na ditto dati at gustong-gusto ko.”
“T-talaga kuya?”
“Oo. Kaya promise na magpagaling ka ha?”
“Opo kuya...”
At naramdaman ko na lang na niyakap niya ako muli, hinalikan sa pisngi.
Pinilit kong iangat ang aking kamay upang haplusin din ang kanyang
pisngi. Ngunit nagtaka ako kasi naramdaman kong nabasa ang aking palad
noong masalat ko ito. “K-kuya... bakit ka umiyak?”
“Ah... sa sobrang tuwa ko na hayan, nalaman ko na magkapatid tayo. At... magkakasama na tayo. Masaya ako tol.”
“Talaga kuya? Ako rin kuya, masaya din...”
“Kaya, magpagaling ka pa ha? Para mas lalong masaya tayo sa pamamasyal dito...”
“Opo kuya...”
“Atsaka kapag nakakita ka na, ingatan mo palagi ang iyong sarili... ang
iyong mga mata. Ang hirap siguro kapag bulag kasi palaging gabi ang
pakiramdam mo, walang liwanag na makikita.”
“Ang hirap nga kuya eh...”
“Kaya... kapag manumbalik na ang iyong paningin, alagaan mo ang iyong mga mata.”
“Opo kuya.”
“Promise yan ha?”
“Opo...”
“Para palagi mo rin akong nakikita.”
“Oo naman. Pogi kaya ang kuya ko.” sabay bitiw ng ngiti.
Hinaplos niya ang aking pisngi at niyakap uli ako.
“At dalawin mo ako kaagad kapag nakakita ka na ha?”
“Opo kuya...”
Sa sobrang tuwa ko na nagkausap kami ng aking kuya Zach, panandalian
kong nalimutan si kuya Erwin. Sa pag-uusap naming iyon, dama ko rin ang
saya niya, bagamat ramdam kong parang nahirapan siya sa kanyang
kalagayan.
Halos ayaw ko nang umalis pa sa piling ng kuya Zach ko. Noong maghiwalay
na kami, nag-iiyak na naman ako. At alam ko, ganoon din siya.
“Huwag kang malungkot tol... Basta magpagaling ka lang. Pangako ko sa
iyo, kapag nakakakita ka na, palagi na tayong magkasama...”
Iyon ang huling narinig kong salita ni kuya Zach. Hindi ko rin lubos na
naintindihan kung may kahulugan ba ang sinabi niyang iyon.
“Enzo... sa makalawa na gaganapin ang operasyon sa mata mo”. Ang
balitang inihayag sa akin ng aking biological na ina kinabukasan
pagkatapos naming mabisita si kuya Zach.
“Talaga po?”
“Oo... kaya, ihanda mo ang iyong sarili anak. Ipanalangin natin na tuloy-tuloy na ang paggaling mo at makakakita ka na.
“Ma... umiiyak po ba kayo?” ang tanong ko. Napansin ko kasi sa boses
niya na malungkot ito at halos hindi mabuo ang kanyang salita.
“Ah... Napaiyak lang ako kasi, excited na akong makakita kang muli. Malapit ka nang makakita anak. Ikaw ba ay hindi natuwa?”
“Natuwa din naman ma. Kapag nakakita na ako, dadalawin natin uli si kuya Zach...”
“Oo naman...” sagot ng biological kong ina.
At isinagawa ang opersyon sa aking mata. Kagaya ng mga nunang opersyon
sa akin, pinatulog nila ako. Hindi ko alam kung gaano katagal ngunit
noong akoy magising, pakiramdam ko ay halos wala namang pinagkaiba ito
sa aking naunang naramdaman. Nandoon pa rin ang bendahe sa aking mga
mata, madilim pa rin ang paligid. Sabi ng duktor, successful naman daw
ang operasyon.
Pagkatapos ng dalawang araw, tatanggalin na ang mga bendahe ko. Kahit papaano, may dala din itong excitement para sa akin.
Araw ng pagtanggal ng bendahe. “Opps, dahan dahan lang ang pagbukas mo sa iyong mga mata...” ang sabi ng duktor.
Una, parang nababalot ng ulap ang paligid. Wala akong halos makita.
“A-anak... nakita mo na kami?” tanong ni mama.
“P-parang may mga nakaharang na ulap ma...”
“Natural lang iyan... huwag mo lang kuskusin. Hintayin mo pa ang ilang minuto at magiging normal na ang lahat.” Sagot ng duktor.
At pagkatapos nga ng ilang minuto, unti-unti ngang naaninag ko ang mga
tao sa paligid... Tinitigan ko ang aking mga ina, bagamat may
pagka-foggy pa rin ang mga mata ko, nakatingin sila sa akin. At kahit
nakangiti nakita kong bakas sa kanilang mga mukha ang pangamba.
Tinitingnan ko rin ang iba pang mga tao sa loob ng kuwarto. Nakita ko
doon ang Amerikanong asawa ng aking biological na ina. Nandoon din ang
duktor at dalawang nurse. “N-nakakakita na po ako ma...” ang sambit ko.
At muling nabalot ng ingay ang paligid. Tuwang-tuwa ang lahat. At
syempre, kahit papaano, may saya din akong naramdaman kahit sa
kaloob-looban ko, may hinahanap-hanap akong malaking kulang.
Isa-isa nila akong niyakap, hinalikan sa pisngi. Marahil, iyon na ang pinakamasayang sandali sa buhay ng aking dalawang ina.
Nasa ganooon kaming pagsasaya noong bigla kong maisipan si kuya Zach. “Ma... pwede po bang dalawin na natin si kuya Zach?”
Ewan ngunit noong nasabi ko ang mungkahing iyon, bigla ding lumungkot
ang mukha ng aking biological na ina. “Ah, oo anak. Pero heto pala, may
sulat siyang ipinabigay sa iyo. Basahin mo raw muna bago mo siya
dalawin” ang sabi niya sabay abot sa akin ng isang envelope.
Dali-dali ko itong binuksan.
“Dear tol... pasensya ka na kung sa pagkabasa mo nitong sulat ko ay
hindi mo na ako makikita pa. Gustuhin ko man, mukhang ayaw nang
ipahintulot pa ng tadhana na magkita pa tayong muli. Nagsinungaling ako
noong sinabi kong ok lang ako. Ito ay dahil ayaw kong makadagdag ako
sa lungkot na dinaranas mo. Noong pumunta kayo dito, halos hindi ko na
kaya ang sarili ko. Naramdaman kong bilang na lang ang mga araw ko.
Ngunit pinilit ko ang sariling magpakatatag; upang maipadama sa iyo na
ok lang ang lahat; upang huwag kang mangamba, upang kahit papaano,
lalakasan mo pa rin ang iyong loob na humarap sa lahat ng dagok. Ngayon
ko lang narealize tol, na ang sarap palang mabuhay sa mundo. Nagsisi
ako kung bakit tinangka kong wakasan ang buhay bagamat noong panahong
nagkapatong-patong ang naranasan kong hirap sa nalamang ampon lang
ako, na may cancer ako, dagdagan pang hiniwalayan ako ni Erwin halos
hindi ko nakayanan ang mga ito. Ngunit mali din pala iyon. Kasi, alam
ko na may mga taong nagmamahal sa akin na puwedeng sa kanila ko
ibaling ang aking panahon, pagmamahal hanggang sa huling hininga ko...
kagaya mo, kagaya ng ina natin, kagaya ng daddy ko... Gusto ko pa
sanang mabuhay tol, upang mas tatagal pa ang pagsasamahan natin ng
ating ina; upang mas lalo ko pang makilala ang utol ko. Subalit hindi
natin hawak ang buhay. Kaya, pilit kong tanggapin ang lahat. Paalam
tol. Labis akong nanghinayang na hindi ako nabigyan ng pagkakataong
maituwid ang mga kasalanang nagawa ko sa iyo. Bagamat naramdaman kong
napatawad mo na ako, sana ay may magawa pa ako. Sayasng, hindi na tayo
muling magkakasama pa sa pamamasyal na sinabi ko. Subalit huwag kang
mag-alala dahil kapag nabasa mo na ang sulat kong ito, ang ibig
sabihin niyan ay... nakakakita ka na, sa pamamagitan ng aking mga
mata. Ito na lang siguro ang paraan upang palagi mo pa rin akong
maalaala, at palagi mo pa rin akong makakasama. Sa pamamagitan ng
aking mga mata, makikita mo ang kulay ng mundo, ang iba’t-ibang bagay,
lugar, o tao na makakapagbigay ng aliw, inspirasyon at katuturan sa
iyong buhay. Sa pamamagitan niyan, hindi na kita maaaring iwanan pa.
Paalam tol. Sa sinabi ko na sa iyo, palagi mong ingatan ang sarili mo
lalo na ang iyong mga mata. Magpakatatag ka. Huwag kang mawalan ng
pag-asa. Masarap ang mabuhay tol. Kaya i-enjoy mo lang ito. Hangad ko
ang kaligayahan mo...”
“Kuyyyaaaaaaaaaaaaa!!!!!!!!! Kuyaaaaaaaaaaaa!!!!!” ang sigaw ko at
paglulupasay. “Bakit hindi niya sinabing huli na pala naming pag-uusap
iyon? Bakit naman kuyaaaaaa!!!!! Sana ay hindi na lang ako umalis sa
tabi mo!!!! Bakit ka naman ganyan kuyaaaa!!!!!”
Nilapitan ako ng biological kong ina at niyakap. Pati siya at ang lahat
ng mga nakapaligid sa amin ay umiiyak din. “Dahil ayaw niyang makita
kang malungkot at mawalan ng sigla, lalo’t may operasyon ka pa anak.”
Ang paliwanag niya habang hinahaplos niya ang aking likod.
“Kahit na ma!!! Ang hirap namang tanggapin!!! Ibinigay nga niya ang mga
mata niya sa akin, pinapaiyak naman niya ako!!! Bakitttttt!!!!”
“Wala na tayong magawa anak... Sadyang hanggang doon na lang ang buhay
ng kuya Zach mo. Pigilan mo ang sariling huwag umiyak. Baka makasama pa
iyan sa iyong mga mata.”
“Ang hirap namang tanggapin kasi... isang beses lang kaming nagkausap
bilang magkapatid tapos, iiwanan na lang pala niya ako??!!!”
Habang nasa ganoon akong paghihikbi, napansin kong may karugtong pa pala
ito sa likod ng papel, “Tol... sa aking pagpanaw, ayoko ng malungkot.
Ang pagpanaw ko ay hindi katapusan ng lahat. Nagkataon lang na maiksi
ang ibinigay na buhay sa akin. Tuloy pa rin ang buhay. Tuloy ang
saya...”
“Gustong tumutol ng aking isip sa huli niyang isinulat. Paano ako sasaya
niyan...? Wala na siya, wala din si kuya Erwin. Ano pa ang halaga ng
buhay ko?”
Maya-maya, tinawag naman ako ni mama. “Anak, may gustong kumausap sa
iyo, nasa kabilang linya...” ang sabi niya sabay abot sa akin ng
receiver ng landline na telepono.
“S-sino po iyan ma? Si papa ba?”
“Ayaw magpakilala anak. Ikaw daw ang gustong makausap”
Agad kong pinahid ang aking mga luha. Tinungo ang kinaroroonan ng
telepono at tinanggap ang receiver na inabot sa akin ni mama. “Hello?”
sabi ko.
“Hi... puwedeng makipagkilala?” ang sambit sa kabilang linya.
Ewan ko kung nagbibiro iyon. Napaka-antipatiko kasi ng dating, dagdagan
pa ng nasa pagluluksa kami. Kaya binulyawan ko. “Sino ba to?!!!”
(Itutuloy)
No comments:
Post a Comment