Wednesday, August 22, 2012

SI UTOL ANG CHATMATE KO - Part 26

Naisipan kong tahakin ang matalahib na daan patungo sa sentro ng isla kung saan sinabi ng naghatid sa amin na may outpost ang coastguard. Nabalot man sa matinding takot mas nanaig sa akin ang pagnanais na mahanap ang kuya ko.

Ngunit noong marating ko ang lugar, walang taong sumagot sa aking panghingi ng saklolo, kahit na pinasok ko pa ang kanilang compund.

Bumalik uli ako sa tent at muli naghintay, nagbakasakaling babalik din si kuya. Ngunit alas onse na lang ng tanghali, wala pa ring kuya Erwin na nagpakita.

Inikot ko muli ang isla, naghanap ng mga palatandaan. Ngunit wala. Binalikan ko ang outpost ng coastguard kung may tao na. Ngunit ang tanging narinig ko ay ang ingay ng mga dahong nagkiskisan habang ang mga ito ay hinihipan ng hangin.

Nakailang ikot din ako sa isla. Nakailang balik din ako sa outpost na iyon. Ngunit walang ni isa mang puwede kong mahingian ng saklolo.

Tiningnan ko sa mga bag at gamit namin kung may dinala ba si kuyang damit o gamit. Ngunit nandoon at intact ang lahat, pati ang kanyang cp.

Sinubukan kong tawagan ang mama ko upang ipaalam ang nangyari. Ngunit wala ding signal sa lugar.

Pakiramdam ko ay mamatay na ako sa sobrang kaba, takot, at pangamba sa maaaring nangyari kay kuya. Ang takot ko para sa sarili ay nakalimutan ko na sa sobrang pag-alala sa kalagayan niya. Hindi ako mapakali, nagtatanong kung nasaan na si kuya, kung bakit bigla siyang nawala, at kung ano na ang nangyari sa kanya...

Mag-aalas tres na ng hapon, nag-iisa pa rin ako. Hindi na ako nakakain, hindi alam ang gagawin. Ang tanging nasa utak ko ay kung nasaan na si kuya at kung ano ang nangyari sa kanya.

Maya-maya, dumating ang sundo naming pumpboat. Hindi pa rin sumipot si kuya. Agad nilang pinuntahan ang coast guard na naka assign sa isla ngunit dahil wala nga ang mga ito, pati sila ay walang nagawa. Inikot-ikot muna nila ang isla atsaka noong matantya na wala silang makitang clue kung saan tumungo si kuya, saka nagdesisyon na bumalik na lang kami sa bayan at i-report sa kapulisan ang lahat.

Hindi naman magkandaugaga ang mga magulang ko sa pagtatawag ng tulong sa mga pulis. Pati sila ay hindi rin mapakali at sobrang nangamba sa kalagayan ni kuya. Dalawa ang teoriya nila. Kung hindi nakidnap, nalunod ito sa dagat. Baka daw habang natulog ako, naisipan niyang maligo. At ang mabigat na pinaniwalaan nila ay na baka may nangyaring masama kay kuya sa dagat – nalunod. Kasi, bakit daw ito kikidnapin ito samantalang hindi naman kami ganyan kayaman...

“Hindi! Hindi nalunod si kuya! Hindi!” ang galit kong pagtutol sa kanila.

Ibayong lungkot at galit ang aking naramdaman sa kanilang kuro-kuro. Mistulang tinadtad ang aking puso sa sobrang sakit sa pagkarinig sa salitang nalunod ang kuya ko. Parang hindi ko kaya kung totoo nga ito. Parang ayoko nang mabuhay pa kapag nagkatotoo ang hinala nila.

Isang araw, dalawang araw, tatlong araw ang nakalipas ngunit wala pa ring balita tungkol kay kuya. Sobrang lungkot ko. Pakiwari ko ay huminto ang ikot ng aking mundo. Pakiwari ko ay gumuho ang lahat ng aking pangarap. Ang inasam-asam ko na lang ay na sana hindi siya nalunod. Ok lang para sa akin kung na kidnap siya; at least buhay pa si kuya. Naitanong ko tuloy kung iyon ba ang kapalit sa sobrang sayang naranasan ko sa piling ni kuya bago nangyari ang trahedyang iyon. Ang saklap. Kunyari pa naman ay kasal na kami sa isa’t-isa...

Sa pang-apat na araw, habang nagmumuni-muni ako sa loob ng kwarto ni kuya, napako ang tingin ko sa drawer kung saan nakatago ang litratong hinahalik-halikan ni kuya.

Agad kong tinumbok ito, pinilit na buksan, Ngunit naka lock. Binuksan ko ang isang drawer pa kung saan ko rin nakitang inilagay ni kuya ang susi. Noong makita ko ito doon, agad kong binuksan ang drawer na naglalaman ng litrato. Sa pagkabukas ko pa lang ng drawer, agad na tumambad sa akin ang mahiwagang litrato – isang batang siguro ay nasa 4 na taong gulang ang edad!

“Isang litrato ng bata ang kanyang hinahalik-halikan?” ang naitanong ko sa sarili.

Pinagmasdan kong maigi ang larawan at napansin kong nakatayo ang bata sa harap ng isang lumang gate na hindi pamilyar sa akin kung kaninong bahay at kung saang lugar. Hawak-hawak ng isang kamay ang barandilya ng gate, ang isang kamay naman nito ay ipinahid sa kanyang mukha. Halatang umiiyak ito, at natatakot. Naka-dilaw na t-shirt ang bata, nakasuot ng short pants na brown, naka tsinelas at sa kayang ulo ay may bonnet na may markang letrang L.

Syempre napaisip ako. Nagtatanong kung sino ang batang iyon. Tinitigan ko ang kanyang mukha na kalahati lang ang nakalantad gawa ng pagkatakip nito sa isa niyang kamay. Hindi ko maisip kung kanino kahawig. Hindi naman si kuya iyon dahil si kuya ay mestiso. At wala rin akong nakitang litrato ko sa ganoong edad pa lang na maikumpara ko kung kahawig ko rin.

Hawak-hawak ang litrato, bumaba ako sa sala upang itanong kina mama ang tungkol doon. Nakita ko kaagad silang dalawa ni papa na parehong hindi umalis sa kinalalagyan ng telepono, naghintay ng tawag o report galing sa mga kapulisan at sa coast guard na patuloy pa ring naghahanap kay kuya sa isla. Halata sa mga mukha nila ang matinding pagkabalisa.

“Ma... nakita ko ang lumang litratong ito sa drawer ni kuya...” ang bungad ko kaagad, inilantad sa kanila ang nasa litrato.

Nagtinginan sina mama at papa, bakas sa kanilang mukha ang pagkabigla at pagkamangha.

“B-bakit po ma, pa? Sino po ba ang nasa litratong ito?” ang tanong ko.

Mistula ding bigla silang natauhan at hindi nagpahalatang nabigla sila. “A, e... n-napulot lang siguro iyan ng kuya mo, anak. Nakita ko na iyan dati, ipinakita niya sa akin. W-ala iyan. Alam mo naman ang kuya mo. Kahit anong bagay na itinatapon na ng iba, dinadala pa niyan sa bahay kapag nagka-interes sya...” ang sagot ni mama, si papa ay nanatiling tahimik lang.

“Pero bakit nasa drawer niya ito ma? At parang iniingatan pa niya?”

“Hindi naman siguro iniingatan. Baka lang nailagay niya sa drawer niya at nalimutan na lang iyan doon.” Paliwanag ni mama.

Gusto ko pa sanang itanong kung bakit nakita kong hinhalik-halikan ito ni kuya ngunit hindi ko na lang itinuloy at baka magtanong pa sila kung paano ko nakita si kuya na ganoon ang ginagawa. Kaya bumalik na lang ako sa kuwarto ni kuya at doon, ipinagpatuloy ang pamumukmok habang wala pang balita sa kanyang pagkawala.

Maya-maya, nagtext sa akin si Ormhel. Nalaman daw niya ang nangyari kay kuya at pupuntahan niya ako sa bahay.

“Tol... sorry sa nangyari sa kuya mo...” ang sambit niya noong makarating na siya ng bahay.

Napaiyak na lang ako. Kasi naalala ko na naman si kuya. Naalala ko kasi ang eksena sa resort nila ni Zach kung nasaan nandoon din si Ormhel. “S-si kuya Zach, kumusta naman siya?” ang tanong ko noong maalala ko rin si Zach.

“Hindi pa rin nagbago ang kanyang kundisyon, tol. Maselan ang kanyang kalagayan. At sa sunod na linggo, dadalhin na nila siya sa Amerika upang doon na ipagamot. Malala ang karamdaman ni Sir Zach kaya napagdesisyonan nilang doon na ipagamot sa Amerika.”

“G-ganoon ba? Ang layo-layo naman ng pagdadalhan sa kanya.”

“Mas advanced kasi doon ang mga gamit. At ang duktor na mag-aalaga sa kanya ay espesyalista talaga para sa kanyang karamdaman.”

“Kawawa din pala si kuya Zach. Pareho sila ni kuya. Kawawa din ang kuya ko, hindi namin alam kung saan siya hahanapin...” Ang nasabi ko na lang. Hindi ko na naitanong kung ano ang karamdaman niya, iniisip ko na lang na may kaugnayan ito sa pinsalang natamo niya sa kanyang tangkang pagpakamatay.

Binitawan lang ni Ormhel ang isang pilit na ngiti. “Labas tayo, tol... puntahan nating muli ang isla kung gusto mo. Baka may report na ang mga coastguard doon. Wala akong pasok ngayon kaya libre ako.” Ang mungkahi ni Ormhel. Marahil ay gusto lang niyang makatulong sa akin sa kanyang maliit paraan.

Sumang-ayon naman ako.

Habang naghintay kami sa pumpboat na siyang maghatid sa amin patungo sa isla. Kumain muna kami sa isang restaurant. Kilala din ang restaurant na iyon sa aming lugar. Dinadayo ito ng mga tao at ilang mga turista. Habang seryosong kumakain kami ni Ormhel, may biglang lumapit sa kanya na isang babae at tinapik siya nito sa balikat.

“Ay... nandito din po kayo? Kumusta po kayo?” Ang sambit ni Ormhel.

Ngunit hindi na nakasagot pa ang babae gawa ng napako ang kanyang tingin sa akin.

Halos hindi na rin ako nakakilos noong magkasalubong ang tiningin namin noong babae. “Ang bisita ni mama!” sigaw ko sa sarili.

“N-nandito ka rin...” ang sambit niya na halos hindi maibigkas ng maayos ang kanyang sinabi.

“Eh....” ang naisagot ko lang, hindi lubos naintindihan ang aking naramdaman. Mabilis ang kalampag ng aking dibdib. Marahil ay na-excite lamang ako , o namangha sa pagkakita sa kanya doon.

“Ormhel.. pewede ko ba siyang makausap kahit sandali?” ang pakisuyo ng babae kay Ormhel.

“O-opo! Opo! S-sige po! Ok lang po!” ang sagot naman ni Ormhel na halatang nagulat din.

“Halika hijo, doon tayo sa lamesang iyon, ang pagturo niya sa isang bakanteng mesa na may kalayuan sa inupuan namin ni Ormhel.

Sumunod ako sa kanya.

Noong makaupo na kami, hindi naman siya makapagsalita. Tinitigan lang niya ako na para bang sabik na sabik na makita ako. “A-ang laki-laki mo na...” ang nasambit lang niya na para bang hindi siya magkamayaw sa kanyang gagawin. Parang gusto niya akong yakapin o halikan ngunit di niya magawa-gawa ito.

“Po..???” ang naisagot ko. Hindi ko rin malaman ang sunod na sasabihin gawa ng pagkamangha sa kakaibang ipinakita niya.

“Ang sabi ko, ang laki-laki mo na... E-enzo!”

Nagulat naman ako sa pagkarinig na binigkas niya ang aking pangalan “K-kilala niyo po ako?”

“A... e... di ba nagpunta ko sa bahay ninyo? Nakita mo nga ako doon e, di ba?”

“O-opo... “Magkaibigan po ba kayo ng mama ko?”

“Magkaibigan? Ah... oo! Oo magkaibigan kami ng mama mo. K-kaya ko siya binisita...” ang sagot niya na parang nag-aalangang aminin ang katagang kaibigan.

Tahimik.

Tinitigan niya muli ako at napansin kong may namumuong mga luha sa gilid ng mga ito. “A-alam mo... m-ay dalawa akong anak. Kaso nawala na sila sa akin... Iyong bunso ay kasing-edad mo at sigurado ako, kamukha mo rin siya.”

“Po??? B-bakit po sila nawala?” Ang tanong ko. Ewan pero tila nagkaroon ako ng interes sa kanyang sinabi.

Binitiwan iya ang isanag malalim na buntong-hininga. “Kahirapan. Namatay ang itay ko noong maliit pa lang ako. Kaya napakahirap ng buhay namin noon. Ni hindi ko natapos ang high school. Noong nagdalaga na ako, nagkasakit naman ng breast cancer ang nanay. Ayaw kong mawala siya sa akin kaya ginawa ko ang lahat ng makakaya ko upang matustusan ang kanyang pagpapagamot...” Napahinto siya ng sandali sabay naman ng pagpatak ng kanyang mga luha. “K-kahit pagbebenta ng aking katwan ay ginawa ko, mataguyod ko lang ang pagpagamot sa aking inay. Nakailang lalaki din ako, hanggang sa ako ay nabuntis na isang Amerikano. Iyon ang una kong anak. Subalit, iniwanan ako ng Amerikano at ang sunod na nakabuntis sa akin ay isang Pinoy, may asawa. Doon ako nagkaroon ng pangalawang anak, ang bunso ko. Noong tuluyan na akong nilayuan ng ama ng pangalawa kong anak at hindi ko na nakayanan ang gastusin sa pagpalaki sa kanilang dalawa kong anak, dagdagan pa sa hirap ng pag-aalaga ko sa aking inay at gastusin sa mga pangangailangan niya... doon ko na naisipang ipamigay sila... Upang mabigyan ng magandang bukas” Tuluyan na siyang humikbi.

Mistulang piniga ang aking puso sa narinig na kwento niya. Hindi ko alam kung bakit sobrang naawa ako sa kanya. Hindi ko rin maintindihan kung bakit niya sinabi iyon sa akin. At namalayan ko na lang na tumulo na rin ang mga luha ko habang tinitingnan ko siyang umiiyak.

“Tiniis ko ang lahat ng sakit na mapalayo sa kanila. At mahigpit kong nilabanan ang sarili na huwag matuksong magpakita. At noong malaman kong tinanggap sila sa mga kanya-kanyang bagong pamilya, tuluyan ko nang isinara ang aking isip para sa mga anak ko. Pinilit ko ang sariling huwag na silang isipin, na burahin na ang lahat ng alaala ko sa kanila. Noong mamatay ang aking inay, may isang Amerikanong naging kliyente ko na nag-offer sa akin ng kasal. Noong una, nagdadalawang-isip pa ako. Ngunit nangingibabaw pa rin sa akin ang kagustuhang mailayo ang sarili at huwag maging hadlang sa normal at masayang nang pamumuhay ng aking mga anak. Nagdurugo man ang aking puso, tiniis ko ang lahat. Nagpkasal kami ng Amerikano at sa kalaunan, natutunan ko rin siyang mahalin. Subalit, hindi kami biniyayaan ng anak. Kaya lalong tumindi ang pangungulila ko sa dalawang anak ko...”

Hindi pa rin ako nakakibo. Para akong napako sa kinauupuan at tulalang-tulala. Naawa ako sa kanya, bagamat sa likod ng aking utak ay may katanungan kung bakit ako nandoon sa harap niya, at sa akin niya ipinapalabas ang kayang mga saloobin. At bagamat gusto kong labanan ang aking sariling huwag magpadala, hindi ko pa rin napigilan ang patuloy na pagdaloy ng aking luha. Palihim kong pinahid ang mga ito.

“Alam mo... sariwa pa sa aking isip ang lahat at damang-dama ko pa ang sakit na nadarama sa kahuli-hulihang sandali na nakasama at nasilayan ko ang aking bunso. Apat na taong gulang lang siya noon. Puno ng kamusmusan at walang kamalay-malay sa mundo. Alas 5 ng umaga isang araw, buo na ang isip kong ipamigay siya. Binihisan ko sya sa paborito pa niyang t-hirt at short. Tuwang-tuwa siya. Sinabi ko sa kanya na mamamasyal lang kami at simula sa araw na iyon, makakain na siya ng masarap na pagkain, magkakaroon ng maraming laruan, may kapatid at kuya, at higit sa lahat, may papa na matagal na niyang inaasam-asam na magkaroon. Naglulundag siya sa tuwa sa narinig. Ang hindi niya alam, iyon na ang huli naming pagkikita; ang simula ng pagbabago sa takbo ng aming buhay dahil iyon ang araw kung saan tuluyan nang maghiwalay ang aming landas... Kitang-kita ko pa ang puno ng kainosentehang bakas ng saya sa mukha ng anak ko habang umalis kami ng bahay...” napahinto siya ng sandali sa pagkukuwento, pinahid ng kamay niya ang mga luha sa kanyang pisngi.

Hindi pa rin ako nakaimik. Hinintay ang pagpapatuloy ng kanyang kuwento.

Nagpatuloy siya. “Noong marating na namin ang gate ng pinili kong bahay at pamilyang balak kong umampon sa kanya, doon ko na naramdaman ang tindi ng sakit. Inatasan ko sa kanya na maiwan muna siya sa gate na iyon at maghintay sa akin dahil may pupuntahan lang ako sandali. Dahil sa kanyang kamusmusan, tumalima siya, walang ni bakas na pagdadalawang isip, nagtiwala sa sinabi ko dahil nga, mama niya ang nagsabi, at hindi ko magagawang ipahamak siya. Ilangbeses ko siyang hinalikan, niyakap ng mahigpit, atsaka sinabihang magpakabait palagi, huwag magpasaway, laging pa ring magdasal bago matulog kagaya noong palagi naming ginagawa sa bahay, at na kapag may pamilya na siya, may papa at kuya, mahalin niya ang mga ito at maging masunurin... Tumango siya bagamat hindi niya marahil naintindihan kung bakit ko siya sinabihan ng ganoon. Hinalikan ko siya sa noo sa huling pagkakataoon, tinitigan ang kabuuan ng kanyang mukha at dali-dali na akong lumisan, iniwanan siyang nakatayong mag-isa sa harap ng gate na iyon, walangkamalay-malay na iyon na ang huling pagkakita niya sa akin. Nagtago ako sa isang sulok at naghintay. Isang oras na nakatayo ang anak ko sa gate na iyon. Parang piniga ang puso ko sa nakitang anyo niya. Hanggang sa hindi na niya natiis ang tagal ng aking pagbalik, nag-iiyak na siya, tinatawag ang aking pangalan. Mistulang mga sibat na tumama sa aking puso ang bawat sigaw ng aking anak ‘mamaaaaa!!!!’ Ang sakit sobra. Hanggang sa narinig ito ng anak ng may-ari ng bahay. Kitang-kita ko pa ang pagkabigla niya noong makita ang anak ko doon. Tiningnan niya ang paligid kung may ibang tao at noong nasigurong tahimik, kinausap niya ang anak ko, sinusuyo... hanggang nakita ko na lang na niyakap niya ito at kinarga, inaaliw, dinalhan ng mga laruan. Nakita ko pang kinunan niya ito ng litrato. At noong makita kong napangiti na niya ang aking anak, umalis na ako. Alam ko, maging maganda na ang buhay niya doon; alam ko, tatanggapin siya sa kanilang pamilya. Walang kasing sakit ang aking nadarama habang pinilit kong ihakbang ang aking mga paa palayo sa lugar na iyon...”

“B-bakit po ninyo ito sinabi sa akin?” ang bigla kong naitanong.

Mistula rin siyang nabigla sa aking tanong. “Ah... e... wala. Pakiramdam ko kasi, ikaw ang aking nawalang anak e. P-pasensya ka na ha? Hindi ko lang napigilan ang aking sarili. Pati tuloy ikaw ay nadamay...” sagot niya.

“Alam niyo po ba kung nasaan na ngayon ang mga anak ninyo?”

“Oo...” ang sagot niya habang nagpapahid ng luha at med’yo nahimasmasan na. “Pero hindi ko na sila puwedeng gambalain pa kasi alam ko maligaya na sila sa ngayon sa mga pamilyang umaaruga sa kanila. Ayokong guluhin ang masaya na nilang pamumuhay. At ayokong kamuhian ako ng mga anak ko kapag nalaman nilang ipininamigay ko sila. At ayoko ring sabihin ng mga nag-aruga sa kanila na pagkatapos ng lahat, bigla na lang akong susulpot at angkinin ang mga anak nila na ganoon-ganoon na lang. Alam ko ang sakit ng mawalan ng anak. Naranasan ko na iyon. At alam ko ring masakit kapag ang isang anak ay inilalayo sa kanyang kinikilalang mga magulang. Kaya kung maaari, ayokong may masasaktan pa...”

“S-siguro naman po ay may karapatan po kayong magpakilala sa kanila. Kawawa naman po ang mg anak ninyo. Hindi nila alam ang buong katotohanan. Ang kuwento ng kanilang buhay.”

Para siyang napaisip sa sinabi ko. “May kasunduan na kami ng mga magulang nila ngayon. Ayaw kong sirain ito...”

“S-sa tingin mo ba ay mapapatawad pa kaya ako ng aking mga anak?” ang tanong niya.

Na sinagot ko naman ng, “Siguro naman po... Kasi kapakanan din naman nila ang iyon iniisip” ang naisagot ko na lang.

At sa pagkarinig niya sa sinabi ko, binitiwan niya ang isang ngiti. Pakiramdam ko ay nabuhayan siy ng loob, may sigla ang kanyang mga mata at naibsan ang kanyang dinadala.

“M-may litrato po ba kayo sa anak ninyo?” ang sunod kong naitangong. Ewan ko rin ba kung bakit ko naitanong ang ganoon. Siguro ay dahil sa nakita kong saya sa mukha niya kung kaya naitanong ko iyon.

Binuksan niya ang kanyang bag at kinuha ang isang litrato. “Iyan ang huling litrato ko sa kanya bago ko siya iniwan sa gate ng bahay na iyon...” sambit niya noong inabot niya iyon sa akin.

Mistulang may sumabog na isang granada sa aking harap at pakiwari ko ay mawawalan ako ng malay-tao noong makita ko ang litrato. Naka-dilaw na t-shirt ang bata, nakasuot ng short pants na brown, naka tsinelas at sa kayang ulo ay may bonnet na may markang letrang L. Iyon ang batang nasa litrato na itinatago-tago ng kuya Erwin ko!

Parang mabibingi ako sa matinding kalampag ng aking dibdid sa sandaling iyon at parang sasabog ito. Napatingin ako sa kanya, ang aking mga mata ay may ibinatong katanungan. Hindi ako makapaniwalang may litrato siya sa mismong batang nasa litrato din ni kuya. Ngunit hindi ko rin magawang tanungin siya kung bakit. May isang parte ng utak ko na naalipin ng takot, na baka my isang bagay akong malaman na hindi ko kayang tanggapin.

“E-excuse me po... aalis na po ako” ang nasambit ko na lang.

“A-aalis ka na?”

“A... Eh... may pupuntahan pa po kami. S-salamat po” at tumalikod na ako, nagtatakbo palabas sa restaurant na iyon.

Sinundan ako ni Ormhel. “Enzo!!! Saan ka pupunta?” sigaw niya.

“U-uwi na lang tayo kuya Ormhel.”

“O-ok ihahatid na kita.”

“Kilala mo ang babaeng iyon?” Tanong ko kay Ormhel habang nasa loob na kami ng tricyle.

“Guest namin iyon sa resort. Mayaman ang mag-asawang iyon. Nakapag-asawa kasi ng Amerikano. Kaibigan din siguro ng pamilya ni Sir Zach iyon kasi nakita kong nag-uusap sila ng daddy ni Sir Zach eh. Bakit? May problema ka ba sa kanya?” Ang sagot ni Ormhel.

“Wala naman...” ang sagot ko na lang.

Pagdating na pagdating ko kaagad ng bahay ay dumeretso ako sa kuwarto ni kuya samantalng si Ormhel ay naiwan sa sala. Nandoon pa rin sina mama at papa sa gilid ng telepono, naghintay kung may tatawag at makapagreport sa kaso ni kuya. Noong dumaan ako sa kinaroroonan nila, tinanong ako ni mama kung kumusta ang lakad ko. Ngunit parang wala lang akong narinig. Hindi ki ito pinansin, tuloy-tuloy lang ako sa second floor, sa kuwarto ni kuya. Noong nasa loob na ako ng kuwarto, dali-dali kong kinuha ang litrato sa loob ng drawer.

Agad din akong bumaba. “Ma... sabihin mo sa akin please kung sino ang batang nasa litratong ito?! Gusto kong marinig sa inyo mismo ang katotohanan. Sino siya? ang tanogn ko, med’yo mataas ang boses at halos iiyak na.

Kitang-kita ko ang pagkagulat nina papa at mama sa pangungulit ko sa kanila tungkol sa litrato na iyon. Marahil ay hindi nila inaasahan na itatanong ko muli iyon at naamoy nilang may kutob akong hindi kanais-nais sa batang nasa litrato.

“Bakit mo naman naitanong iyan, anak? Di ba sinbi ko na sa iyo na maaring napulot lang iyan ng kuya mo.” Si mama ang sumagot.

“Hindi ma! Hindi iyan napulot ni kuya! Dahil nakita ko ang babaeng iyon na pumunta dito at may litrato din siyang kahawig ng batang iyan. Lahat ng suot ng batang litrato ma ay pareho. Iisang bata lang. Sino ang batang nasa litrato ma at ano ang kugnayan nito sa babaeng bisita mo?????????!!!” ang sigaw ko na, ang-iiyak na mistulang nagwawala.

Hindi ko na alam kung ano rin ang tunay na naramdaman nina mama at papa. Pakiwari ko ay na-rattle din sila sa hindi inaasahang kaganapan. Nagdurugo na nga ang mga puso nila sa pagkawala ni kuya at hayun nagdemand pa ako sa mga katanungan tungkol sa isang litrato. Ngunit wala na akong pakialam. Ang nasa utak ko sa sandaling iyon ay ang masagot kung ano ang relasyon ng litratong iyon sa akin at sa babaeng bisita nila.

Pati si Ormhel ay natulala din at palihim na nagpaalam at umalis.

“P-wede ba, mag-usap muna kami ng papa mo atsaka ka namin tatawagin?”

“Ayoko ma! Bakit hindi ninyo masagot kaagad ang tanong ko? mahirap bang sagutin ito? Masasaktan ba ako kapag nalaman ko ang katotohanan? May itinatago ba kayo sa akin?” giit ko.

“S-sabihin mo na... “ ang maiksi at mahinahong utos ni papa kay mama.

Napilitan ding tumalima ni mama. ”O sige... maupo ka.”

Dali-dali din akong umupo sa sofa, sa tabi ni papa.

“I-ikaw ang batang iyan, Enzo...”

“ARRRRRGGGGGHHHHHHHHHHHHHHH!!!!” ang bigla kong sigaw, hablot-hablot ang aking buhok. Pakiramdam ko ay may humataw ng matigas na bagay sa aking ulo at mistulang nawalan ako ng malay sa pagpatibay ni mama sa aking hinala tungkol sa litrato.

Akmang tatayo na sana ako upang doon sa kuwarto ko ako magkulong noong hinawakan ni papa ang aking bisig at hinila upang muling umupo. “Makinig ka muna sa sasabihin ng mama mo, Enzo.”

Pilit na naupo muli ako sa sofa. Ramdam kong pilit na kumawala ang galit at hinanakit na kinimkim ng aking kalooban. Napahagulgol ako nang napahagulgol.

Naramdaman ko ang pag-akbay ni papa, inaamo niya ako at hinahalikan ang aking buhok.

Nakita ko ring nagpapahid na ng luha ang mama ko. “P-patawarin mo kami anak... ang kasalanan lang namin ay hindi namin ito sinabi sa iyo ng mas maaga. Si kuya Erwin mo ang nakakita sa iyo sa gate ng lumang bahay natin. Ang plano namin ng papa mo ay i-indorso ka sa DSWD, upang doon ka na lang sa kanilang bahay-kalinga dahil natakot kaming masangkot sa ano mang kaso kung sakali o kung hahanapin ka sa tunay mong mga magulang. Ngunit hindi pumayag ang kuya mo. Sabi niya, siya daw ang nakakita sa iyo kaya dapat na sa kanya ka na, at sa atin titira. Sabi ko sa kanya na hindi ganyan kadali ang mga bagay na iyan. Hindi ka isang aso o pusa na puwede niyang sagipin ng ganoon-ganoon na lang kapag walang naghahanap dahil may batas tayo at darating at darating din ang panahon na aabot tayo sa ganitong sitwasyong nangyari sa iyo ngayon... Ngunit nagmatigas ang kuya mo. Noong malaman niya na ihahatid ka na namin sa tanggapan ng DSWD, bigla siyang umakyat sa terrace ng bahay at tinakot kami na tatalon siya doon kapag itinuloy namin ang aming pagdala sa iyo sa DSWD. Nag-iiyak siya, nagsisigaw, naglupasay. Noon lang namin nakita ang kuya mo sa ganoong matigas na pagpursige sa isang bagay na gusto niya sa kabila ng kanyang murang edad. Tinablan kami ng matinding awa. Kasi, alam naming matagal na niyang hiniling sa amin na magkaroon ng kapatid na lalaki ngunit hindi namin siya kayang pagbigyan gawa ng... baog ang papa mo. At noong napagdesisyonan na lang naming ampunin ka na, sobrang saya ang naramdaman ng kuya mo. Doon din nagbago ang takbo ng ugali ng kuya Erwin mo. Palagi na siyang masaya, palaging ikaw ang bukambibig niya pag-alis papuntang eskuwelahan at pagdating galing school. Halos isama ka na lang niya sa eskwelahan upang huwag kang mahiwalay sa kanya. Kung naaalala mo, kada Disyembre 14, palagi iyang nagpapahanda at nagbibigay ng regalo sa iyo? At ilang beses mo na ring tinanong sa kanya kung ano ang nakain niya at binibigyan ka niya ng regalo at ang sagot niya palagi ay Lucky Day Anniversary niya? Dahil iyan ang araw kung kailan ka niya natagpuan sa gate na iyon.”

Patuloy pa rin ang pag-iyak ko. Pakiramdam ko ay dumaplis lang sa aking puso ang mga paliwanag sa akin.

Nagpatuloy pa rin siya. “Mahal na mahal ka ng kuya Erwin mo. Para ka niyang anak, halos kasintahan na ang turing niya sa iyo. Prang mamatay iyan kapag hindi ka nakikita. At alam namin kung gaano ka niya kamahal. Alam mo bang hinahalik-halikan ng kuya mo ang litratong iyan? Dahil sa bawat halik niya sa litrato mo ay ang panalangin niya na sana ay hindi darating ang araw na ilalayo ka sa pamilyang ito... Ganyan ka niya kamahal. Ganyan ka namin kamahal... Kung sakaling natuloy ka sa DSWD at hindi kami pinigilan ng kuya mong ipaampon ka, sa tingin mo ba mas liligaya ang buhay mo? Mas matatanggap mo ba ito...?”

Ewan. Bagamat touched ako sa nalaman tungkol sa ginawa ni kuya, nahirapan pa rin ang kalooban kong tanggapin ang lahat. “Ma, pa... p-puwede bang punta muna ako sa kuwarto ko?” ang nasambit ko na lang. Pakiramdam ko kasi ay lalo akong naguguluhan. Hindi ko alam ang gagawin. Parang nag-iisa lang ako sa mundo at walang kakampi, o kaya pinaglaruan ng tadhana. Ang buong akala ko ay pulido ang aking pagiging myembro ng kanilang pamilya. Hindi pala. Lahat sila ay naglihim sa akin. Parang lahat sila ay pinaglalaruan lang ang aking pagkatao. Biglang nalimutan ko ang pagkawala ni kuya at nanaig sa isip ko ay ang sariling problema.

Umakyat ako sa aking kuwarto at doon, nag-iiyak. Iba’t-ibang eksena ang pumasok sa aking isip. Nand’yan iyong magbigti, lalayas. Parang gusto kong maglasing o magpakamatay sa kalasingan upang malimutan ang lahat ng sama ng loob.

Tinawagan ko si Ormhel at sinabi ko sa kanya ang lahat.

“Isipin mo na lang tol na maswerte ka pa rin. Tingnan mo ang ibang mga kabataang ulila... nasa kalye, hindi nag-aaral, nakikipagbuno sa kahirapan sa araw-araw, wala na ngang nagmamahal wala pang bahay, walang patutunguhan ang buhay. Samantalang ikaw, nakapag-aral, may nakakaangat na pamilya, may nagmamahal na mga magulang at kuya... Ano pa ang puwede mong hingiin? Maswerte ka sa pamilya mo ngayon, maswerte ka sa biological mong nanay dahil sa kabila ng sakit na naramdaman niya sa pagkalayo niya sa iyo, kapakanan mo pa rin ang kanyang iniisip...”

“Masakit kasi. Itinatago nila ang lahat sa akin.”

“Dahil ayaw nilang masaktan ka. Dahil ayaw nilang magbago ang lahat. Dahil ayaw nilang lalayo ka sa kanila... Alam ko masakit iyan tol. Pero lahat ng tao sa mundo ay may kanya-kanyang krus na dinadala at mga pagsubok na haharapin. Nagkataon lang na ito ang sadyang nakatadhana para sa iyo. Wala kang choice dahil nand’yan na iyan at hindi mo kontrolado ang nakaraan. Ngunit may magagawa ka para sa iyong ngayon. At iyan ay ang pilitin ang sariling pag-aralan ang pagtanggap ng lahat ng maluwag sa iyong kalooban. Isipin mo, hindi sila nagkulang sa pagmamahal nila sa iyo; nagkataon lang na ang landas ng pagmamahal na pinili ng tunay mong ina para sa iyo ay mahirap tahakin at intindihin. Ngunit hindi ibig sabihin na kulang ang kanyang pagmamahal. Marahil ay naalipin lamang siya sa matinding pagnanais na maranasan mo ang masaya at masaganang buhay sa kabila ng pagdurugo ng kanyang puso. Minsan kapag nagmahal ka, kailangan mo ring magparaya. Kailangan mong magsakripisyo, tiising mapalayo sa taong mahal kung ito ang ikaliligaya niya. Iyan ang klase ng pagmamahal na ibinigay ng tunay mong ina para sa iyo. At kung inililihim man ito ng mga kinilala mong magulang at kuya Erwin, ito ay dahil naging bahagi ka na ng buhay nila; dahil mahalaga ka at ayaw nilang mawalay ka sa kanila. Kaya dapat ay makuntento ka sa klase ng pagmamahal na ipinakita nila; dapat ay maappreciate mo ito. Hindi lang ikaw ang nagdusa tol; pati rin sila...”

Maganda ang sinabing iyon ni Ormhel. Ngunit sadyang mabigat pa rin ang lahat para sa akin. Nalilito pa rin ang utak ko.

Hanggang sa naisipang kong lumabas ng bahay. Hindi ko rin alam kung saan talaga pupunta. Basta ang tanging ninanais ko ay ang makalimot at mabura ang mga bagay-bagay na gumugulo sa aking isip.

Nakalabas na ako ng bahay, naglalakad ng walang klarong patutunguhan. Ni hindi ko nga alam na tumawid na pala ako sa isang highway.

“SCCCRRREEEETTTCCCCCHHHHH!!!!” ang tunog ng isang kotseng mabilis ang takbo at biglang sumulpot sa aking harapan kasabay ng sigaw ng mga taong nakakita, “Ang mama masagasaan!!!

“KA-BLAGGGGG!!” Ito ang huli kong narinig noong tumama ang unahan ng kotse sa aking katawan at nagdilim ang aking paligid...

(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment