Sunday, August 5, 2012

AFTER ALL - Part 1


Gano na nga ba katagal simula ng naging kami ni Jeff? Nung una, hindi ko akalaing tatagal kami ng ganito. Ni hindi ko nga inisip na magugustuhan namin ang isa’t isa. Pero minsan, tadhana na talaga ang gumagawa ng paraan para makilala mo yung taong magpapabago sa’yo at magbabago para sa’yo at yung taong tatanggapin ka kahit ano pa man ang pinagbago mo.
Isa na ata si Jeff sa pinakatarantadong tao na nakilala ko. Siya yung tipo na mang-aasar kahit wala ka naming ginagawa sa kanya. Siya yung typical bully. Sa kasamaang-palad, isa ako sa mga nabiktima nya.
Pano nga ba kami nagkakilala nitong si Jeff? Basahin nyo at damayan nyo ko sa mga naging paghihirap ko (syempre sa umpisa lang naman ‘to)
ANG SIMULA
Fourth year college student na ko at kumukuha ng kursong BA Mass Communication. Na-stereotype na ata sa mga lalaking kumukuha ng mass comm na mga bading. Hindi ko naman masisi yung iba kasi marami talaga samin eh bading na lantad at proud sa sarili nila. Well sa university na pinapasukan ko naman eh talagang liberal ang mga tao at walang takot na pinapakita kung ano sila. Pero siyempre, may mangilan-ngilan pa rin na talagang ginagawang lihim ang katotohanan. Isa ako doon sa mangilan-ngilan na ‘yon.
Nag-aaral ako sa isang malaking unibersidad sa Quezon City. Sabi nila, ito daw ang pinakamagaling na school. Minsan yun din ang nasa isip ko, pero minsan naiisip ko na pareho lang naman yung tinuturo sa’min sa tinuturo sa ibang school. Sadyang angat lang kami ng konti dahil ang university daw naming ang National University. Naiisip ko tuloy, ano na kaya itsura ng mga posters na pang elementary na nagpapakita ng mga national symbols ng Pilipinas. Andun na din kaya ang litrato ng istatwa ng lalaking nakahubad at nakataas ang mga kamay?
Simula ng pumasok ako sa school ko ngayon, namulat ako sa iba’t ibang bagay. Yung mga bagay na akala ko dati eh mali at walang gumagawa, dito parang ok lang. Nanggaling kasi ako sa high school na pinamumunuan ng mga pari. Part pa nga ako ng Campus Ministry dahil choir member ako. Kaya ibang iba talaga yung environment nung nagcollege ako.
High school pa lang medyo alam ko na kung ano talaga ako pero hindi ko pa lang tanggap sa sarili ko. Kaya nga nung nasa 4th year ako, nagkaron ako ng dalawang girlfriends at naging malaking issue pa yun dahil muntikan ko ng pagsabayin yung dalawa. Siguro ginawa ko lang yun para iassure yung sarili ko na “oo, lalaki nga ako.” Pero wala rin naman naitulong ‘yun eh.
Hindi ako ‘yung tipo na head-turner. Hindi rin ako ganun katangkaran sa height na 5’ 7”. Moreno, kulot ang buhok. Ang tanging maipagmamalaki ko lang ay yung utak ko na hindi pa naman ako binibigo kahit papano. Hindi ako yung sobrang talino pero pumapasa naman ako sa mga subjects ko kahit minsan kinakalimutan kong pag-aralan sila.
Nung nasa 4th year college ako, kumuha ako ng Street dance subject para sa PE requirement ko. Hindi ako ganun kagaling sumayaw at ilang taon na din mula ng huli akong nakasayaw. Fourth year high school pa yun, nung nagka faculty concert at kami ng mga classmates ko ay nagperform ng dalawang numbers.
Nakaka-intimidate pala sa subject nay un. Hindi kasi ako ganun kabilib sa sarili ko. Madalas, nakakagalaw lang talaga ako pag mag-isa ako. Kaya nga favorite place ko ang room ko.
Ang gagaling sumayaw ng classmates ko tapos may ilan pa na member na ng street dance club ng school namin. So ano na lang ang binatbat ko sa kanila, di ba?
Sa mga panahong ‘to, tanggap ko na kung ano ako. Kakabreak lang naming ng girlfriend ko. Hindi kami ganun katagal, three months lang. Wala pa kong pinagsasabihan tungkol sa ‘kin. Wala din naman kasing nagtatanong kaya wala akong dahilan para sabihin.
May mga classmate akong lalaki sa street dance na talaga namang may itsura. Yung tipong artistahin. Yung iba eh malakas lang talaga yung appeal. May isa akong classmate na member ng street dance club na gwapo sana, kaso halata mong suplado. Siya yung tipo na katatakutan mong lapitan man lang.
Madalas akong nalelate sa PE ko dahil yung subject na pinapasukan ko bago nito eh napakalayo ng building. Kelangan ko pa mag-jeep para makarating sa gym kung saan ang PE classes.
Dahil nga late ako dun na ako sa likod pumuwesto. Hindi ko napansin na yung lalaking suplado yung nasa unahan ko.
Umpisa na ng class. Ang daming tinurong steps ni sir. Hindi ko makuha agad lahat. Nagmasid masid ako sa mga katabi ko. Ang gagaling nilang lahat. Lalo ko nang hindi nakuha yung steps. Halos mabuhol na yung mga binti ko at braso. Minsan natatamaan ko pa sarili ko. Sinusubukan ko talagang makuha yung steps ng bigla akong nawalan ng balance at natumba.
“Aray! Ano ba ‘yan, tatanga tanga,” sigaw ng lalaking suplado sa unahan ko. Nasipa ko pala siya nung tumumba ako. Ang sama ng tingin niya sakin. Ni hindi man lang niya ko tinulungan makatayo. Umupo siya sa bench at hinilot yung kanang binti niya na nasipa ko.
Tumakbo papalapit sa akin yung professor namin. Tinanong kung ok lang ba ako.
Tinanong ko din sarili ko, “Ok lang ba ako?” Mukha naming walang nabali. Pero yung kahihiyan ko lang, naku, parang gusto ko ng idrop yung subject na ‘to. Tsaka nasira na yung plano ko na wag papasukin sa buhay ko yung lalaking suplado. Pero sa tingin ko, dahil sa nangyari ngayon, hindi na nya ko titigilan.
Nakita ko na siya isang beses sa Arts & Letters building na may inaaping freshman. Gusto ko na sanag isumbong pero naisip ko, wala na kami sa high school. Baka kapag sinumbong ko eh ako naman ang pagtripan. Parang ang selfish ko. Sorry naman. J
Nung sumunod na PE class ko, ok naman, walang masamang nangyari. Yun ang akala ko. Pagkatapos ng klase dumiretso ako sa CR kung saan andun din yung mga lockers na pwedeng gamitin ng kahit sinong estudyante basta PE time nila. Pagtingin ko sa locker ko may nakadikit na papel at may nakasulat na “LAMPA!!” Alam ko na agad kung kanino galing yun dahil pumasok na din ng CR yung supladong lalaki at nakita ko siyang ngumingisi habang nakatingin sa akin.
Kinuha ko na lang agad yung papel at pinasok sa bag ko. Kinuha ko na yung gamit ko sa locker at dali-daling lumabas ng CR. Dumiretso agad ako sa susunod kong klase.
Nainis talaga ako sa nangyari pero hinayaan ko na lang dahil wala din naming magagawa yung pagkainis ko. Pagdating ko sa room ng susunod kong class, tumabi agad ako kay Mike, isa sa pinakamalapit kong kaibigan nung college.
“O bakit parang mainit ulo mo?” tanong sa akin ni Mike.
“Ah wala lang, mainit lang kasi panahon sa labas.”
“Ganun ba? Gusto mo bilhan kita tubig?”
“Huwag na Mike. Nakakahiya,” tugon ko. Napakabait talaga ni Mike sa lahat ng kaibigan niya. Hangga’t kaya niya, tutulong siya. Magkapareho kami ng course ni Mike. Pareho din kami ng kinabibilangang organization kaya madalas kaming nagkakasama at dun kami naging close.
Hiniram ni Mike yung notes ko sa class namin kaya kinuha niya yung bag ko at siya na raw ang maghahanap. Nakita niya yung papel na nakadikit sa locker ko.
“Ano ‘to?”
“Ah wala, may nang-aasar lang sakin sa PE. Di ba nakwento ko na sa iyo nung natumba ako last meeting namin kaya ayun may nang-aasar na. Nakita ko na lang yan nakadikit sa locker ko,” paliwanag ko.
“Kilala mo kung sino may gawa?”
“May idea na ko kung sino pero hindi pa rin ako sure. Hayaan mo na, wala lang ‘yan. Totoo din naman kasi eh.”
“Ayan ka na naman eh. Ang baba na naman ng tingin mo sa sarili mo. Lahat naman ng tao nagkakamali. Tanungin mo pa yung prof mo dyan sa PE nyo, sigurado ako nadapa at natumba na rin yan noon.”
“Oo na Mike, hindi naman ako napikon eh. Wag mo na ko bolahin,” sabi ko kay Mike na may kasabay na ngiti. Dumating na yung prof namin kaya hindi na kami nakapagkwentuhan.
Sa sumunod na meeting sa PE clas namin, medyo late yung prof namin kaya nauna ako sa kanya. Paupo na ko sa bench na walang nakaupo pero may bag na nakalagay ng may biglang tumulak sa akin sa likod.
“Wag ka nga dyan, baka mamaya masira mo na pati mga gamit ko. Dun ka sa malayo para wala ng madamay sa kalampahan mo.” Si lalaking masungit na naman pala. Ang akala ko talaga eh sa high school lang nag-eexist ang mga katulad niya pero mali ako. May mga nilalang pala na sadyang mayabang lang at masama ang ugali. Pero bilib din naman ako sa kanya, dahil pag inaasar nya ko eh walang nakakarinig o nakakakita. Parang pinagplanuhan talaga.
Gustung-gusto ko na siyang sagutin pero pinigilan ko sarili ko para hindi na magkaeskandalo. Naglakad na lang ako papalayo at umupo doon sa bakanteng bench. Bakit ba naman kasi wala akong kakilala sa subject na ‘to?
Dumating na yung prof namin at pinag-usapan namin yung midterm exams namin. Inagahan ng prof namin na idiscuss yun para makapagprepare kami. By pair daw yung exam. Kelangan gumawa ng routine yung magpair base sa mabubunot nilang steps. By surname yung ginawang groupings ni sir. Magpartner yung magkasunod ang apelyido. Wala akong idea kung sino yung mga kasunod kong apelyido. Bihira kasi magcheck ng attendance si sir kaya hindi ko natatandaan at madalas pagkatawag ng pangalan ko pag nagchecheck si sir ng attendance after ng class, umaalis na agad ako.
“Next pair, Santos, Bryan at Santos, Jeffrey.”
Hindi ko kilala kung sino kapartner ko kaya nilapitan ko si sir para tanungin siya.
“Sir sino si Bryan Santos?”
“Sir sino si Jeffrey Santos?”
Sabay na sabay ang tanong namin kaya nagkatinginan kaming dalawa at hindi ako makapaniwala sa nakita ko. Si lalaking masungit ang kapartner ko.
“Sir hindi ba pwedeng magpalit ng partner? Ayoko sa lampa,” Pasigaw na tanong ni Jeff kay sir.
“I’m sorry Jeff pero hindi pwede. Wag ka din masyado mayabang, nakakahiya sa mga kaklase mo.”
Tahimik lang ako habang si Jeff ay kinukulit pa rin si sir na bigyan siya ng bagong kapartner. Napaisip ako. Halos magdadalawang buwan na din kaming nagkaklase pero ngayon ko lang nalaman ang pangalan ni Jeff. Patunay lang yun na kahit gano siya kagwapo at kagaling sumayaw eh hindi ako interesado sa kanya dahil sa ugali niya. Papaupo na ko ng bench ng bigla akong sinigawan ni Jeff.
“Hoy Bryan, pagod ka na? Bakit ka uupo? Bumunot na tayo ng sasayawin natin sa midterm. Kamalas-malasan nga naman hindi ako pinayagan ni sir. Pag ikaw pumalpak at bumagsak tayo, humanda ka sakin.”
Bumunot na si Jeff ng isasayaw namin. Ang hihirap ng napunta sa amin kaya lalo akong kinabahan. Nung nakabunot na lahat, dinismiss na ni sir yung class kaya dali-dali akong umalis. Ni hindi ko tinanong contact number ni Jeff. Baka kasi kung ano pa isipin.
May two weeks kami para magprepare for the midterm exam. Dalawang linggo ng paghihirap yun para sa akin. Hay.
Pag-uwi ko sa dorm, may tumatawag sa cell phone ko. Hindi nakaregister yung number. Sinagot ko na lang.
“Hoy Bryan, bakit bigla kang nawala kanina? Wala kabang balak pumasa sa street dance? Pwes ako meron,” pagalit na sabi ni Jeff.
“Saan mo nakuha number ko? Sorry kelangan ko umalis agad, may class kasi ako after.” Naiinis na kinakabahan ako habang kausap siya. Naiinis dahil siya yung taong pinaka ayaw ko sa class. Kinakabahan kasi baka may mali akong masabi, may bago na naman siyang maiasar sa akin.
“Kinuha ko kay sir. Bakit may angal? O basta bukas magpractice na tayo kahit ayoko sa ‘yo. Anong oras ba tapos ng class mo?” Mukhang seryoso si Jeff sa kagustuhan nyang makakuha ng mataas na grade sa PE.
“5:30 pa tapos ng class ko. Nasa CMC (College of Mass Communication) ako nun.”
“O sige. Kita na lang tayo bukas. Ayus-ayusin mo ah. Gusto ko mauno yun. O sige, bye.”
Pagkababa ko ng phone, bigla kong naisip na wag na lang pumasok bukas at magkunwaring may sakit. Pero bakas mas lalo siyang magalit sakin.

No comments:

Post a Comment